Showing posts with label Pagtatagpo. Show all posts
Showing posts with label Pagtatagpo. Show all posts

Monday, August 26, 2013

ANG PAGTATAGPO SA DAAN

Isang tao ang nagmamalaki ng kanyang pagiging Pariseo, pagiging Hudyo sa lipi ni Benjamin, pagiging Romano at pagiging Griyego. Ipinagmamalaki rin niya ang kanyang pagiging matuwid dahil sa pagdating sa batas ay walang maipupula sa kaniya. Isang masigasig na tagapag-usig ni Hesus  (Filipos 3:4-6)Siya ay si Pablo na dating si Saul. 

Ang kanyang kasigasigan sa pag-uusig sa mga taga-sunod ni Kristo ay unang namataan sa pagbato kay Esteban bilang tagapag-bantay ng mga balabal ng mga bumabato (Mga Gawa 7:58; 8:1). Di lamang sa kamatayan ni Esteban maging sa pagtugis sa mga Kristiyano sa loob ng mga iglesya at tahanan upang ipakulong sa bayan ng Israel (Mga Gawa 8:). Hindi lamang sa mga bayan ng Israel ang pagnanais na tugisin ang mga Kristiyano kundi maging sa karatig bansa. Humingi pa siya ng dokumento upang hanapin at hulihin ang mga taga-sunod ni Hesus sa Damasco.

Ngunit dumating ang isang pagtatagpo sa daan na nagpabago ng buhay at perspektibo niya patungkol kay Kristo at sa mga taga-sunod ng Panginoon. Habang binabagtas nila ang daan papuntang Dasmasco ay isang liwanag mula sa langit dahilan upang mapaatirapa sila sa lupa. Nagsalita ang si Kristo na tanging siya lamang ang nakakarinig. Nagpakilala si Hesus bilang kanyang inuusig. 

Ang pagtatagpong iyon ang nagpabago kay Pablo. Ang dating umuusig ay inuusig na dahil kay Kristo. Ang dating ipinagmamalaki ay ituring na kasuklam-suklam. Ang dating nagmamalaki na matuwid dahil sa batas ay nagpakumbaba sa kanyang pagiging matuwid dahil kay Kristo. Ang dating masugid na maitigil ang pangangaral ng Mabuting Balita ay ang masugid na tagapagdala ng Mabuting Balita ng Kaligtasan.

Marami tayong ipinagmamalaki sa buhay, ang karunungan, kayamanan, estado ng buhay at iba pa. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi kailanman maitatapat kay Kristo na ating katuwiran, kaligtasan, at kabuuan ng ating buhay. 


Basahin : Acts 9:1-9

Sunday, August 25, 2013

ANG PAGTATAGPO SA KRUS

Ang krus sa panahon ng Imperyo ng Roma ay kasumpa sumpa. Ang pagkamatay sa krus ay kamatayan ng isang kriminal na gumawa ng isang karumal dumal na krimen. Ito ang krimen na ipinararatang sa Panginoong Hesus kaya Siya ay ipinako sa krus sa pagitan ng dalawang magnanakaw. Ngunit nagkaroon ng pagtatagpo sa krus hindi para sa kamatayan kundi sa pagbibigay buhay sa isa sa mga magnanakaw. 

Ang pagtatagpong iyon ay ang kaligtasan ng isang makasalanan na nasa bingit ng kamatayan. Nakita niya ang kanyang kasalanan at karapat-dapat siya na mamatay sa ganoong hatol. Kasabay noon ay nakita niya si Hesus ay walang kasalanan. Ito ang ginamit niya upang ipaalam sa isa sa nakapako na si Hesus ay hindi nararapat ng kamatayan ng tulad na sasapitin nila sapagkat ito ay walang ginawa ng masama. 

Ang pag-uusap ng isang makasalanan na nasa pintuan na ng kamataya at tagapagligtas sa krus ay isang tagpo ng pagpapakita ng pagkahabag ng Diyos. Inihayag niya ang kanyang pananampalataya kay Hesus hindi bilang isang gumagawa ng himala gaya ng hinihiling ng kasama niya kundi bilang Hari. Hiniling niya na alalahanin siya ni Hesus sa Kanyang paghahari. Si Hesus lamang ang makapagliligtas sa kanyang kalagayan bilang makasalanan na haharap sa mas mataas na hatol ng Diyos sa kabilang buhay. Ang hatol na kamatayan sa krus ay hindi maikukumpara sa hatol na kamatayan sa impyerno. Hindi binigo ni Hesus ang magnanakaw na iyon sa kanyang pagsusumamo. Ibinigay Niya ang kasiguruhan ng kanyang kaligtasan na isasama ng sandali rin na iyon sa paraiso. 

Ang pagtatagpo sa krus ay gaya ng pagtatagpo sa bingit ng kamatayan ng isang makasalanan at ng Tagapagligtas. Ito ay nagpapakita ng kakayanan ng Diyos magligtas ng anumang tao kahit na pinakamasama at sa kahit anong panahon ng buhay. Ito ay dahil ang Diyos ay mahabagin.


Basahin : Luke 23:39-43




ANG PAGTATAGPO SA PUNO

Gaya ni Mateo, si Zacheo na isang publikano (maniningil ng buwis). Hindi lang basta maniningil ng buwis kundi pinuno ng maniningil ng buwis. Maraming galit sa kanya sapagkat isang mandaraya ang mga publikano. Sumisingil siya ng labis labis sa mayayaman at maging mga dukha.  Dahil sa kanyang pagiging publikano, siya ay naging mayaman. Ngunit kinamumuhian sila at tinuturing na pinakamakasalanan sa Israel ng panahon nai yon.

Ngunit isang araw nabalitaan niya na dadaan sa lugar niya sa Jerico si Hesus. Nais niya itong makita ngunit sa dami ng tao ay hindi niya ito makita lalo na siya ay isang maliit na lalaki. Gustong gusto niyang makita ang Panginoong Hesus at ang naisip niya ay umakyat sa puno ng Sikamoro upang makita ang Hesus na tinatawag na Mesias. Pagdating ni Hesus sa lugar sa may puno kung saan naroon si Zacheo ay tinawag siya ng Panginoon at sinabing tutuloy Siya sa kanyang bahay. Bumaba si Zacheo ngunit marami ang nag-akusa kay Hesus maging kay Zacheo sa pagtuloy sa bahay ng isang makasalanan (Lukas 19:7). 

Sa pagtatagpo nila ni Hesus ay nabago ang kanyang pananaw bilang publikano. Nakita niya ang kanyang kasalanan ng pandaraya. Sinabi niya na ibabalik ito ng apat na beses, higit sa tradisyon na pagbabalik lamang ng tatlong beses  sa mga dinaya. Ang pamamahagi ng kalahati ng kayamanan niya sa mahihirap ay tanda na nakita niya sa kanyang pandaraya ang pagdarahop ng matindi ng mga ito dahil sa buwis na ipinapataw at sobrang paniningil.

Ang pagtatagpong iyon ang araw ng kaligtasan ng isang pinakamakasalanan. Dumating si Hesus upang hanapin at iligtas ang mga nawawala (Lukas 19:10). Gaya ni Zacheo, masumpungan nawa ang bawat isa sa atin ni Hesus. Sa Kanyang pagkakasumpong sa atin ay kilalanin ang sarili na makasalanan at kilalanin si Hesus na Panginoon at Tagapagligtas na naipapakita ng tunay na pagbabago sa buhay.


Basahin: Luke 19:1-10

Wednesday, August 21, 2013

ANG PAGTATAGPO SA DALAMPASIGAN

Isang lugar kung saan nangaral sa Hesus ay sa dalampasigan ng lawa ng Galilea sa Genesaret. Sa lugar na ito ang pagtatagpo ng Panginoon ang mga unang disipulo na nagbunga ng pagsunod. Sila na magkapatid na Juan at Santiago at magkapatid na Andres at Pedro. Iyon ang araw na itinakda ng Diyos para sa kanilang pagsunod sa Panginoong Hesus. 

Ang araw na iyon inihayag ni Hesus ang Kanyang pagiging Diyos sa kanila na lumikha ng lahat ng bagay at ang may kontrol ng lahat. Sila ay walang huli sa pangingisda sa buong magdamag at lahat ay malungkot at dismayado sa nangyari. Hindi ito nagkataon kundi ipinangyari ng Diyos upang sa kanilang pagkakatawag. Inutusan sila ni Hesus na pumunta sa malalim at ihagis sa kanan ang lambat. Sila ay mga dalubhasa na sa pangingisda at alam nila ang oras kung kailan makakahuli at saan makakahuli ngunit si Hesus ay karpintero. Sila ay tumugon at pumalaot. Sa kanilang pagsunod sila ay nakahuli ng napakaraming isda na halos mapunit ang lambat at malubog ang dalawang bankang ginamit. Noon nila naiintindihan ang kapahayagan ni Hesus patungkol sa Kanyang sarili. 

Sa kanilang nasaksihan nakita nila ang kanilang pagiging makasalanan sa harapan ni Hesus na banal. Simula noon sinabihan sila ni Hesus na silay ay mamalakaya na ng tao. Ito ang kanilang pagkakatawag. Sila ay tumugon. Iniwan ang malaking huli sapagkat mas higit si Hesus kaysa sa mga malaking huli na iyon. Iniwan nila ang lambat ang kanilang kabuhayan para sa ipinagagawa ng Panginoon sa kanila bilang mga mamamalakaya ng tao sa pamamagitan ng paghahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan.

Ang tagpong iyon ang nagpabago sa kanilang buhay mula sa kadiliman papuntang liwanag. Ito rin ang simula ng kanilang pagkakatawag para sa isang gawain. Sila ay di lamang naging mga alagad kundi naging mga apostol. Sila ay mga unang saksi ng kaluwalhatian at kadakilaan ni Kristo. Dalawa sa kanila ay ang sumulat ng aklat sa bibliya ang una at ikalawang sulat ni Pedro at ng Ebanghelyo ayon kay Juan, ang una, ikalawa, ikatlong sulat ni Juan, at ang aklat ng Pahayag. Ang pagtalikod sa inaasahan sa buhay ay nagpapatunay ng tunay na pagsunod kay Kristo na Siya lamang na dapat asahan sa buhay  na ito. 

Marami sa atin ang umaasa sa ating sariling kakayanan para sa ating ikabubuhay. Ngunit si Hesus ang pinagmumulan ang nagpapahintulot ng mga bagay na ito sa atin. Ang pagsunod sa Panginoon ay nangangailangan ng paglimot sa dating buhay. 


Basahin: Luke 5:1-11 

ANG PAGTATAGPO SA BAYARAN NG BUWIS

Sa listahan ng mga ibinibilang na masamang tao noong panahon ni Hesus, ang mga publikano o mga maniningil ng buwis ang itinuturing na pinakamasama sa talaan. Ang dahilan kung bakit itinuturing sila ng masama ay dahil sila ay ginagamit ng pamunuang Romano upang maningil ng buwis, at ang buwis ay madalas na labis labis na nagpapahirap sa mga Hudyo lalo na sa mga mahihirap. 

Ngunit isang araw ay nagkaroon ng pagtatagpo ang Panginoong Hesus at ang isang maniningil ng buwis na nagngangalang Levi na anak ni Alfeo na mas kilala na Mateo. Nang siya ay madaanan ni Hesus, tinawag siya at sinabi na sumunod sa Kanya. Iniwan niya ang bayaran ng buwis at sumunod sa Panginoon. 

Ang buhay na iniwan ni Mateo ay buhay na marangya, isang buhay na may seguridad kung pananalapi ang pag-uusapan. Ngunit iniwan niya ito upang sumunod kay Hesus. Kilala niya si Hesus na ang sinasabing Mesias - ang sinugo ng Ama upang iligtas ang makasalanan. Para sa kanya ang buhay kay Kristo ang mas higit na may halaga kaysa sa halaga ng kanyang pananalapi kaya buo sa kanyang puso ang pagsunod. 

Ang kanyang tunay na pananampalataya kay Hesus ay ipinakita sa paghahanda ng isang piging para kay Hesus sa kanyang bahay. Inimbitahan din niya ang maraming tao, mga publikano, mga pariseo, at mga ordinaryong mamamayan. Nababatid niya kung gaano kahalaga ang Hesus at ang buhay kay Hesus.

Mula noon siya ay isa sa naging mga alagad, isa sa mga apostol, mga unang saksi ni Hesus na naging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Siya ang sumulat ng isang Ebanghelyo na ipinangalan sa kanya. Ipinahayag niya doon na si Hesus ang pinangakong Mesias ang Hari ng walang hanggang kaharian ng Diyos.

Marami sa atin ang tulad niya, na tinuturing na pinakamasamang tao at mandaraya. Ngunit hindi nagtatangi ang Diyos at ipinadala si Hesus para sa mga taong maysakit na nangangailangan ng manggagamot. Ang pagtatagpong iyon sa bayaran ng buwis ang nagbago sa buhay ni Mateo. 


Basahin : Luke 5:27-32

Tuesday, August 20, 2013

ANG PAGTATAGPO SA GABI

Si Nicodemo ay isang Pariseo at pinuno ng mga Hudyo na dumalaw ng gabi kay Hesus. Nasaksihan niya ang mga tanda na ginawa ni Hesus. Dahil dito naniwala siya na si Hesus ay sinugo ng Diyos bilang isang guro at ang Diyos ay sumasakanya. 

Ngunit sa kanilang pag-uusap ay ipinaalam ni Hesus na ang ganoon klaseng pagkilala sa Kaniya na bilang guro lamang ay hindi pananampalataya. Ang mga tandang ginawa ni Hesus ay hindi para kilalanin lamang Siyang guro kundi ang Anak ng Tao: na ang sinumang aakyat sa langit ay ang bumaba galing langit (Juan 3:13). Dito ay inihahayag Niya na Siya ang mula sa langit na bumaba at aakyat muli na sinasabi sa propesiya. Siya ang ipinangakong ipinadala ng Ama upang panampalatayanan ng tao para sa ikaliligtas (Juan 3:16). Siya ang liwanag na dumating sa mundo na magbibigay ng liwanag at maghahayag ng kasamaan ng tao (Juan 3:19). 

Ang makita ang Kaharian ng Diyos ay pagkilala kay Hesus na Siya ang Mesias, ang Ilaw na maghahayag ng kasamaan, ang isinugo ng Diyos Ama. Ang susi upang makita ang Kaharian ng Diyos ay ang kapanganakan muli sa Espiritu.(Juan 3:3). Ang pananampalataya ay hindi nagdudulot ng kapanganakan muli kundi ang kapanganakan muli ang magdudulot ng pananampalaya na dahilan upang makita ang Kaharian o ang paghahari ng Diyos sa buhay ng tao. Hangga't hindi ipinanganganak sa Espiritu ang isang tao ay hindi siya magkakaroon ng pananampalatayang na si Hesus ay Mesias kundi isang pagkilala kay Hesus na katulad ng kay Nicodemo.

Marami sa mga tao na ang pananaw kay Hesu-Kristo ay tulad ng pananaw ni Nicodemo. Maliban na ipanganak muli ay hindi kailanman magbabago ang pananaw nila na ito kay Hesus. Ang pagtatagpong ito ay maaaring nagdulot ng kapanganakan sa Espiritu upang panampalatayanan niya na si Hesus ang Mesias na hindi pinaniniwalaan ng mga Pariseo. Isang ebidensya ang pagdala ng mira para sa bangkay ni Hesus (Juan 19:39).


 Basahin : John 3:1-21

ANG PAGTATAGPO SA BALON

Ang pagdaan ni Hesus sa Samaria galing ng Judea ay hindi isang aksidente kundi ninais Niya upang ipakilala Niya ang Kanyang sarili bilang hinihintay na Mesias. Ang intensyon na iyon ay pagpapakita na ang kaligtasan ay hindi lamang sa mga Hudyo kundi maging sa ibang lahi. 

Ang pagpapakilala ni Hesus ay nagsimula ng Siya ay humingi ng tubig sa babaeng Samaritana. Ipinakilala Niya ang tagapagbigay ng tubig na pumapatid ng uhaw magpakailanman. At inihayag Niya na Siya ang tagapagbigay ng tubig na iyon nag makapabibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya ang babae ay humingi sa Kaniya ngunit hindi niya naiintidihan na ang sinasabi ni Hesus ay espirituwal at hindi literal na tubig.

Ang sumunod na pag-uusap na dumugtong ay ang patungkol sa asawa. Ipinatawag ni Hesus ang asawa ng babae upang ikumpisal ang katotohanan na wala siyang asawa ngunit may kinakasama na hindi asawa. At alam din ni Niya na mayroon itong limang naging asawa. Ipinakikita nito na bilang Diyos ay batid Niya ang buhay ng isang tao. Siya ay tinuring na propeta dahil sa pag-uusap na ito.

Sinundan ito ng paksa patungkol sa pagsamba. Ang mga Hudyo ay sa Jerusalem at ang mga Samaritano ay sa Gerizim. Ngunit sinabi ni Hesus na ang pagdating ng panahon na hindi na mananatili sa mga bundok na ito sasamba ang dalawang lahi kundi sa Espiritu at katotohanan sapagkat ang Diyos ay espiritu. Sa sinabi na ito ni Hesus ay naalala ng babae ang propesiya patungkol sa Mesias na tagapahayag ng mga bagay na inihayag ni Hesus. Kaya ang sinabi Niya na Siya ang kanilang hinihintay na Mesias. 

Sa tagpong ito ay nanampalataya ang babae kay Hesus na Siya ang Mesias at sa kanyang kagalakan sinabi ng babae sa kanyang mga kababayan patungkol sa Mesias na kanyang natagpuan sa balon. Nagpunta ang mga ito kay Hesus ay sila ay nagsisampalataya na Siya ang Tagapagligtas. 

Ang tagpong ito sa balon ay nagpapakita na ipapahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa atin upang tayo maligtas. Isang responsibilidad na ipangaral na Siya ay ang Mesias na inaasahan ng mundo, para sa kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay gaya  ng ginawa ng babaeng Samaritana. Ipahayag sa mga tao na si Hesus ang Mesias at Siya lamang ang makapagbibigay ng tubig na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 


Basahin: John 4:1-42