Isang tao ang nagmamalaki ng kanyang pagiging Pariseo, pagiging Hudyo sa lipi ni Benjamin, pagiging Romano at pagiging Griyego. Ipinagmamalaki rin niya ang kanyang pagiging matuwid dahil sa pagdating sa batas ay walang maipupula sa kaniya. Isang masigasig na tagapag-usig ni Hesus (Filipos 3:4-6). Siya ay si Pablo na dating si Saul.
Ang kanyang kasigasigan sa pag-uusig sa mga taga-sunod ni Kristo ay unang namataan sa pagbato kay Esteban bilang tagapag-bantay ng mga balabal ng mga bumabato (Mga Gawa 7:58; 8:1). Di lamang sa kamatayan ni Esteban maging sa pagtugis sa mga Kristiyano sa loob ng mga iglesya at tahanan upang ipakulong sa bayan ng Israel (Mga Gawa 8:). Hindi lamang sa mga bayan ng Israel ang pagnanais na tugisin ang mga Kristiyano kundi maging sa karatig bansa. Humingi pa siya ng dokumento upang hanapin at hulihin ang mga taga-sunod ni Hesus sa Damasco.
Ngunit dumating ang isang pagtatagpo sa daan na nagpabago ng buhay at perspektibo niya patungkol kay Kristo at sa mga taga-sunod ng Panginoon. Habang binabagtas nila ang daan papuntang Dasmasco ay isang liwanag mula sa langit dahilan upang mapaatirapa sila sa lupa. Nagsalita ang si Kristo na tanging siya lamang ang nakakarinig. Nagpakilala si Hesus bilang kanyang inuusig.
Ang pagtatagpong iyon ang nagpabago kay Pablo. Ang dating umuusig ay inuusig na dahil kay Kristo. Ang dating ipinagmamalaki ay ituring na kasuklam-suklam. Ang dating nagmamalaki na matuwid dahil sa batas ay nagpakumbaba sa kanyang pagiging matuwid dahil kay Kristo. Ang dating masugid na maitigil ang pangangaral ng Mabuting Balita ay ang masugid na tagapagdala ng Mabuting Balita ng Kaligtasan.
Marami tayong ipinagmamalaki sa buhay, ang karunungan, kayamanan, estado ng buhay at iba pa. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi kailanman maitatapat kay Kristo na ating katuwiran, kaligtasan, at kabuuan ng ating buhay.
Basahin : Acts 9:1-9
No comments:
Post a Comment