Sunday, August 25, 2013

TUNAY NA KARUNUNGAN

Ang pagkatakot sa Diyos ay pasimula ng karunungan
Awit 111:10a

Maraming karunungan ang itinuturing ng mundo. Karamihan sa mga ito ay nagmula sa mga kilalang mga pilosopo. Ilan sa mga nakaimpluwensya sa mundo ay mga karunungan mula kina Socrates, Plato, at Aristotle na mga Griyego. Si Confucius ng China ay marami ring naiaambag na karunungan. Marami sa atin ang yumayakap sa karunungang mula sa taong ito. 

Ngunit ito ba ay tunay na karunungan? Ang bibliya ay nagbigay ng isang pamantayan ng tunay na karunungan. Kung ang karunungang sinasabi ay bunga ng pagkatakot sa Diyos ito ang tunay na karunungan. Ang pagkatakot sa Diyos ay pagkilala sa Diyos na may kaugnayan sa kasalanan. Pinakilala ng Bibliya na ang Diyos ay namumuhi sa kasalanan dahil Siya ay banal at ang lahat ng gumagawa nito ay Kanyang huhusgahan sa tamang panahon. Pinakilala ni Hesus kung sino ang dapat katakutan. Ito ang Diyos na may kakayanang pumuksa ng kaluluwa at katawan sa impyerno (Mateo 10:28). Dahil sa pagkilala sa Diyos sa ganoong perspektibo ang tao ay magnanais at mamumuhay sa kabanalan at hindi sa kasalanan. 

Ang tunay na karunungan ay paglayo sa kasalanan at pagsunod sa kalooban ng Diyos (Job 28:28). Dapat tayong mamuhay sa tunay na karunungan na nag-uugat sa banal na pagkatakot sa Diyos sa pamamagitan ng pagkamuhi sa kasalanan at pagsunud sa Kanyang kalooban. 

No comments:

Post a Comment