Gaya ni Mateo, si Zacheo na isang publikano (maniningil ng buwis). Hindi lang basta maniningil ng buwis kundi pinuno ng maniningil ng buwis. Maraming galit sa kanya sapagkat isang mandaraya ang mga publikano. Sumisingil siya ng labis labis sa mayayaman at maging mga dukha. Dahil sa kanyang pagiging publikano, siya ay naging mayaman. Ngunit kinamumuhian sila at tinuturing na pinakamakasalanan sa Israel ng panahon nai yon.
Ngunit isang araw nabalitaan niya na dadaan sa lugar niya sa Jerico si Hesus. Nais niya itong makita ngunit sa dami ng tao ay hindi niya ito makita lalo na siya ay isang maliit na lalaki. Gustong gusto niyang makita ang Panginoong Hesus at ang naisip niya ay umakyat sa puno ng Sikamoro upang makita ang Hesus na tinatawag na Mesias. Pagdating ni Hesus sa lugar sa may puno kung saan naroon si Zacheo ay tinawag siya ng Panginoon at sinabing tutuloy Siya sa kanyang bahay. Bumaba si Zacheo ngunit marami ang nag-akusa kay Hesus maging kay Zacheo sa pagtuloy sa bahay ng isang makasalanan (Lukas 19:7).
Sa pagtatagpo nila ni Hesus ay nabago ang kanyang pananaw bilang publikano. Nakita niya ang kanyang kasalanan ng pandaraya. Sinabi niya na ibabalik ito ng apat na beses, higit sa tradisyon na pagbabalik lamang ng tatlong beses sa mga dinaya. Ang pamamahagi ng kalahati ng kayamanan niya sa mahihirap ay tanda na nakita niya sa kanyang pandaraya ang pagdarahop ng matindi ng mga ito dahil sa buwis na ipinapataw at sobrang paniningil.
Ang pagtatagpong iyon ang araw ng kaligtasan ng isang pinakamakasalanan. Dumating si Hesus upang hanapin at iligtas ang mga nawawala (Lukas 19:10). Gaya ni Zacheo, masumpungan nawa ang bawat isa sa atin ni Hesus. Sa Kanyang pagkakasumpong sa atin ay kilalanin ang sarili na makasalanan at kilalanin si Hesus na Panginoon at Tagapagligtas na naipapakita ng tunay na pagbabago sa buhay.
Basahin: Luke 19:1-10
No comments:
Post a Comment