Sa listahan ng mga ibinibilang na masamang tao noong panahon ni Hesus, ang mga publikano o mga maniningil ng buwis ang itinuturing na pinakamasama sa talaan. Ang dahilan kung bakit itinuturing sila ng masama ay dahil sila ay ginagamit ng pamunuang Romano upang maningil ng buwis, at ang buwis ay madalas na labis labis na nagpapahirap sa mga Hudyo lalo na sa mga mahihirap.
Ngunit isang araw ay nagkaroon ng pagtatagpo ang Panginoong Hesus at ang isang maniningil ng buwis na nagngangalang Levi na anak ni Alfeo na mas kilala na Mateo. Nang siya ay madaanan ni Hesus, tinawag siya at sinabi na sumunod sa Kanya. Iniwan niya ang bayaran ng buwis at sumunod sa Panginoon.
Ang buhay na iniwan ni Mateo ay buhay na marangya, isang buhay na may seguridad kung pananalapi ang pag-uusapan. Ngunit iniwan niya ito upang sumunod kay Hesus. Kilala niya si Hesus na ang sinasabing Mesias - ang sinugo ng Ama upang iligtas ang makasalanan. Para sa kanya ang buhay kay Kristo ang mas higit na may halaga kaysa sa halaga ng kanyang pananalapi kaya buo sa kanyang puso ang pagsunod.
Ang kanyang tunay na pananampalataya kay Hesus ay ipinakita sa paghahanda ng isang piging para kay Hesus sa kanyang bahay. Inimbitahan din niya ang maraming tao, mga publikano, mga pariseo, at mga ordinaryong mamamayan. Nababatid niya kung gaano kahalaga ang Hesus at ang buhay kay Hesus.
Mula noon siya ay isa sa naging mga alagad, isa sa mga apostol, mga unang saksi ni Hesus na naging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Siya ang sumulat ng isang Ebanghelyo na ipinangalan sa kanya. Ipinahayag niya doon na si Hesus ang pinangakong Mesias ang Hari ng walang hanggang kaharian ng Diyos.
Marami sa atin ang tulad niya, na tinuturing na pinakamasamang tao at mandaraya. Ngunit hindi nagtatangi ang Diyos at ipinadala si Hesus para sa mga taong maysakit na nangangailangan ng manggagamot. Ang pagtatagpong iyon sa bayaran ng buwis ang nagbago sa buhay ni Mateo.
Basahin : Luke 5:27-32
No comments:
Post a Comment