Sunday, August 25, 2013

ANG HADLANG SA PAGSAMBA SA DIYOS SA GITNA NG PIGHATI

Sinabi niya, "Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina at hubad akong magbabalik roon. Ang Panginoon ang nagbigay ang Panginoon din ang nag-aalis. 
Purihin ang pangalan ng Panginoon"
Job 1:21

Pagdating sa matinding pagsubok, maliban kay Hesus si Job ang isa sa mga magandang halimbawa. Anb aklat na Job ay patungkol sa pagkilala at pagsamba sa Diyos sa kabila ng pighati sa buhay. Ipinakilala ng Bibliya na si Job ay matuwid at kinamumuhian ang kasalanan. Siya ang pinakamayaman sa silangan noong panahon niya ayon sa pagbanggit ng mga bilang ng kanyang mga anak, kabuhayan, at mga alipin. Ngunit niloob ng Diyos na siya ay subukin at binigyan pahintulot si Satanas na gawan siya ng masama. Kinuha ang lahat ng kanyang mga alaga at marami sa mga alipin niya ang pinatay. Bukod doon, ang kanyang mga anak noong araw ding iyon ay nangamatay dahil sa pagbagsak ng mga haligi ng bahay dahil sa malakas na hangin. 

Ang karamihan sa tao, ang kanilang magiging reaksyon ay pagtingin sa kanilang sarili, sa kanilang damdamin na nasaktan dahil sa pagkakawala ng bagay sa kanila lalo na kapag ito ay buhay. Hindi natin maitatanggi na marami sa ganitong kalagayan ay aakusahan ang Panginoon sa kanilang sinapit. Ngunit sa mga Kristiyano, dapat ay maintidihan natin na ito ay hindi panahon ng pagsisi o pag-akusa sa Diyos dahil sa nangyari kung hindi dapat purihin, sambahin, at kilalanin ang pagka-Diyos Niya. 

Ngunit bakit mahirap sambahin ang Diyos sa gita ng pighati? Ang dahilan ay ang pagyakap ng tao sa mga bagay dito sa mundo. Mas iniibig ng tao ang mga bagay na ipinagkaloob at hindi ang nagkaloob nito sa kanya. Dapat na malaman na ang tao na siya ay walang pag-aari sa mundong ito at ito ay ipinagkaloob lamang sa kanya upang kilalanin at sambahin ang nagbigay nito, ang Diyos. At isa pang dapat malaman ay na darating araw ay kukunin ito ng Diyos ang mga bagay sa atin. Ang pagkuha ng Diyos ay hindi upang pagdamutantayo, kundi upang kilalanin siya at ibigin kaysa sa bagay na Kanyang ipinagkaloob. Sapagkat mas alam Niya ang nararapat sa atin at karapatan Niya ito bilang manlilikha. 

Nasubukan mo na bang purihin ang Diyos sa gitna ng iyong pighati? Alalahanin na Siya ang dapat ibigin at hindi ang Kaniyang ibinigay upang sa pagkawala ng mga ito sa buhay ay pagsamba ang ating tugon sa Kanyang pagkuha sa mga ito sa pamamagitan ng iba't-ibang pighati ng buhay. 

No comments:

Post a Comment