Ang plano ng Diyos na pagliligtas ay hindi lamang sa mga Hudyo kundi pati rin sa mga Hentil. Hindi lamang ito para sa mga mahihirap, sa mga ordinaryong tao, o mga alipin kundi para din sa mga mayayaman, namumuno sa bayan at sa mga panginoon. Ito ay pinatutunayan ng aklat ng Mga Gawa kung saan ang pangangaral ng Mabuting Balita ay ipinakikilala si Hesus na tanging daan papuntang Ama (Juan 14:6).
Si Cornelio na isang Hentil, senturyon ng pulutong Italiano ay nabiyayaan ng kaligtasan. Isang deboto na may takot sa Diyos, matulungin at mapanalanginin ay isang modelo ng isang relihiyosong tao. Ngunit kapansin-pansin na sa kabila ng kanyang pagiging relihiyoso hindi niya nakikilala ang Hesus. Ang mga katangian niyang iyon ay hindi makapagliligtas sa kanya ngunit ang mga iyon ay panimulang gawain ng Diyos bilang paghahanda sa puso na tatanggap ng pananampalataya na nagmumula sa Mabuting Balita kung saan si Hesus ay ipinakikilala. Siya ay tulad ng matabang lupa sa Talinhaga ng mga Lupa (Mateo 13:8) na inihanda upang hasikan ng binhi.
Dalawang pangitain ang naganap. Ang unang pangitain ay pangitain na ipinadala ng Diyos para sa hahasikan ng binhi, si Cornelio. Ang ikalawang pangitain ay para sa gagamitin ng Diyos upang maghasik, si Pedro. Ipinatawag ni Cornelio si Pedro at si Pedro ay tumugon upang ang planong kaligtasan sa tahanan ni Cornelio ay maganap. Ipinakilala ni Pedro sa kanyang pangangaral si Hesus, ang mga bagay na nangyari kay Hesus at ang Kanyang kadakilaan magiag ang pagiging Hukom na hahatol sa mga buhay at patay. Sa pangangaral na iyon naganap ang pagbaba ng Banal na Espiritu tanda ng kaligtasang natanggap mula sa Diyos.
Ang isang tao ay maaring relihiyoso at may pagkatakot sa Diyos ngunit ang pananampalataya na nakapagliligtas ay nagmumula sa Mabuting Balita sa pamamagitan ng pangangaral. Ang paghahanda ng pusong tatanggap ng binhi ng Mabuting Balita ay sa Diyos nagmumula lamang. Ipangaral ang Mabuting Balita para sa mga pusong inihanda ng Diyos sa pagtanggap.
Basahin : Acts 10:1-48
No comments:
Post a Comment