Tuesday, August 20, 2013

ANG PAGTATAGPO SA GABI

Si Nicodemo ay isang Pariseo at pinuno ng mga Hudyo na dumalaw ng gabi kay Hesus. Nasaksihan niya ang mga tanda na ginawa ni Hesus. Dahil dito naniwala siya na si Hesus ay sinugo ng Diyos bilang isang guro at ang Diyos ay sumasakanya. 

Ngunit sa kanilang pag-uusap ay ipinaalam ni Hesus na ang ganoon klaseng pagkilala sa Kaniya na bilang guro lamang ay hindi pananampalataya. Ang mga tandang ginawa ni Hesus ay hindi para kilalanin lamang Siyang guro kundi ang Anak ng Tao: na ang sinumang aakyat sa langit ay ang bumaba galing langit (Juan 3:13). Dito ay inihahayag Niya na Siya ang mula sa langit na bumaba at aakyat muli na sinasabi sa propesiya. Siya ang ipinangakong ipinadala ng Ama upang panampalatayanan ng tao para sa ikaliligtas (Juan 3:16). Siya ang liwanag na dumating sa mundo na magbibigay ng liwanag at maghahayag ng kasamaan ng tao (Juan 3:19). 

Ang makita ang Kaharian ng Diyos ay pagkilala kay Hesus na Siya ang Mesias, ang Ilaw na maghahayag ng kasamaan, ang isinugo ng Diyos Ama. Ang susi upang makita ang Kaharian ng Diyos ay ang kapanganakan muli sa Espiritu.(Juan 3:3). Ang pananampalataya ay hindi nagdudulot ng kapanganakan muli kundi ang kapanganakan muli ang magdudulot ng pananampalaya na dahilan upang makita ang Kaharian o ang paghahari ng Diyos sa buhay ng tao. Hangga't hindi ipinanganganak sa Espiritu ang isang tao ay hindi siya magkakaroon ng pananampalatayang na si Hesus ay Mesias kundi isang pagkilala kay Hesus na katulad ng kay Nicodemo.

Marami sa mga tao na ang pananaw kay Hesu-Kristo ay tulad ng pananaw ni Nicodemo. Maliban na ipanganak muli ay hindi kailanman magbabago ang pananaw nila na ito kay Hesus. Ang pagtatagpong ito ay maaaring nagdulot ng kapanganakan sa Espiritu upang panampalatayanan niya na si Hesus ang Mesias na hindi pinaniniwalaan ng mga Pariseo. Isang ebidensya ang pagdala ng mira para sa bangkay ni Hesus (Juan 19:39).


 Basahin : John 3:1-21

No comments:

Post a Comment