Si Jacob ay ang bunsong anak na kambal nina Isaac at Rebeka. Paborito siya ng kanyang ina at si Esau naman na kanyang kakambal ay paborito ni Isaac. Magkaibang-magkaiba ang kambal. Si Esau ay mabalahibo ang katawan samantalang si Jacob ay hindi. Si Esau ay isang mangangaso at si Jacob naman ay pastol. Ang ibig sabihin ng pangalang Jacob ay mandaraya.
Si Jacob ay binasbasan ng kanyang amang si Isaac sa pamamagitan ng pandaraya na dapat sana ay si Esau. Dalawang beses siyang nandaya. Kaya ang ibig sabihin ng kanyang pangalan ay mandaraya. Ang unang pandaraya ay pagkuha ng karapatan bilang panganay (birth right) sa kakambal niyang si Esau. Galing sa pangangaso, umuwi ng bahay si Esau na nagugutom at humiling sa kanyang kapatid na ipagluto siya nito. Ngunit humingi ng kondisyon si Jacob - ang karapatan bilang panganay. Dahil sa gutom ay pumayag naman ang kanyang kakambal kaya't ipinagluto niya ito.
Ang pangalawang pandaraya ay pagkuha ng basbas na dapat sana ay sa kanyang kakambal. Ipinatawag ni Isaac si Esau upang ipangaso at ipagluto ng kanyang huli. Habang wala si Esau, si Rebeka ang gumawa ng paraan upang maibigay kay Jacob ang basbas. Nilagyan niya si Jacob ng balahibo mula sa hayop upang maging katulad ni Esau at nagluto na ipinaluluto ng ama kay Esau. Dahil sa di na makakita si Isaac ay kinapa lamang niya ang anak na si Jacob na nagkukunwaring si Esau. Sa pag-aakalang si Esau si Jacob ay ibinigay nito ang basbas kay Jacob na nagkunwaring si Esau.
Dumating si Esau at pumunta sa ama upang hingiin ang basbas nito. Ngunit huli na. Naibigay na ang basbas sa kakambal na si Jacob na mandaraya. Nalinlang uli siya ng kanyang kapatid at sa nagalit ng matindi at pinagbantaan ang buhay ni Jacob. Nalaman ito ni Rebeka kaya pinatakas niya si Jacob papuntang Haran.
Ang pandarayang ito ni Jacob ay nagbunga. Dinaya siya ni Laban na kanyang manugang sa pitong taong pagtatrabaho upang mapangasawa si Rachel ngunit si Leah ang ibinigay. Kaya pitong taon pang pagsisilbi para mapangasawa si Rachel. Dinaya rin siya ng kanyang mga anak na sinabi na patay na si Jose dala ang kasuotan nito na puno ng dugo at punit-punit at ipinagpalagay na nilapa ng mabangis na hayop. Ngunit ang katotohanan ay ibinenta ng mga kapatid si Jose dahil sa galit nila rito. Ang epekto nito ay umabot hanggang sa panahon ng tag-gutom na inabot pati ang Canaan.
Sa kabila ng pagiging mandaraya ni Jacob ang pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham ay natupad kay Jacob. Pinalitan ng pangalang Israel ang pangalang Jacob sapagkat ang labing dalawang tribo na anak niyang lalaki ang pinagmulan ng mga tribo ng Israel. Tumakas man siya bilang binasbasan dahil sa pandaraya niya sa kapatid, ngunit hindi siya nakatakas sa plano ng Diyos.
Tayo man ay may tinatakasan sa buhay. Sila yung mga taong ating niloko, dinaya, at maging nasaktan. Ngunit tayo ay di makakatakas sa Diyos na ating nilapastangan. Ganun pa man, ang Diyos ay mabuti sa atin. Ang plano niya sa atin ay may basbas Niya at hindi tayo makakatakas sa plano ng Diyos sa atin.
Basahin ang Genesis 27:19-34; 27:1-29:35; 37:25-35
No comments:
Post a Comment