Saturday, August 31, 2013

ANG NAGKUNWARI

Sa halos tatlong taong pakikining ng Mabuting Balita mula mismo sa bibig ng Panginoong Hesus, isang nakapanghihinayang ang nangyari sa isang alagad ni Hesus. Siya si Hudas. Hindi lamang narinig ang Mabuting Balita kundi nasaksihan pa niya ang mga kababalaghan gaya ng pagpapalayas ng demonyo, pagpapakain ng libu-libong tao, nagpagaling ng mga maysakit at bumuhay ng mga patay na nagpapatunay na si Hesus ay ang Mesias. Naranasan din niya ang kapangyarihan ng Diyos sa lupa man o sa dagat. Ngunit nakalulungkot mang isipin siya ay hindi nakasama sa paghahari ni Kristo. 

Sa matagal na panahon na iyon na kasama niya si Hesus at ang mga alagad, siya ay nagkubli sa pagkukunwari. Isang pagkukunwari na walang nakakaalam kay Hesus. Maging ang mga kapwa alagad ay walang muwang sa kanyang pagkukunwari (Juan 13:27-29). Sa ministeryo ni Hesus naroon, naitala sa ebanghelyo ang ilan sa mga marka ng kawalan ng pag-ibig kay Hesus. Nanghinayang sa halaga ng pabangong ibinuhos kay Hesus (John 12:4-6) at ang pagkakanulo sa Panginoon sa tatlumpung pirasong pilak (Mateo 26:14-16)

Maraming ganito sa loob ng simbahan, nagkukunwari na mga alagad ni Kristo ngunit walang pag-ibig kay Kristo kundi sa sarili lamang na ambisyon nakatingin.Sila'y nagtatago sa kurtina ng ministeryo, sa bubong ng iglesya, at sa kasuotang puti ngunit sa loob ay kabulukang tulad ni Hudas. Sila ay nagsasabing iniibig si Kristo ngunit walang pagsunod, walang pagpapakasakit, at walang pampupursige na mamuhay gaya ng Panginoon. Ang mga nagkukunwari na sila ay naglilingkod ay mga taong kahabag-habag sapagkat ibubunyag ng Panginoon ang kanilang pagkatao sa araw ng paghuhusga. Hindi lahat ng tumatawag ng Panginoon, Panginoon ay maliligtas kundi yaon lamang tumutupad ng kalooban ng Diyos (Mateo 7:21).

Basahin : Matthew 27:1-10

Friday, August 30, 2013

ANG MGA NANLIBAK

Ang pagmamahal ng mga mangangaral sa Diyos at sa Kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapasubalian. Ngunit hindi lang doon nagtatapos iyon. Kakabit ng pag-ibig sa Diyos ay pag-ibig sa mga taong wala pa kay Kristo kaya ganun na lamang ang kanilang pagsusumigasig na maiparating ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa mga naliligaw. 

Sa kabila ng lahat ng ito, ang nararanasan ng mga mangangaral maging mga sumasaksi sa Mabuting Balita ay nakakaranas ng panlilibak kasama ang Kristo. Si Festo na kapalit ni Felix sa posisyon at si Haring Agripa ay manlilibak ni Pablo at ng Mabuting Balita. Sinabihan siya ni Festo pagkatapos ng pangangaral na siya ay nawawala na sa sarili sa sobrang karunungan. Tulad ni Hesus na nilibak na may sa demonyo. Si Haring Agripa naman ay nilibak hindi lamang si Pablo kundi ang Kristiyanismo na siya ay kailanman na hindi siya mahihikayat. Ang pananalitang iyon ay pagturing na ang Kristiyanismo ay isang kahangalan. 

Ang paglilibak ng marami sa mga mangangaral at sa Kristiyanismo ay paglilibak sa Diyos. Ang ginawa ng isa sa mga magnanakaw na pangungutya kay Kristo, at ang pag-ngisi ng mga taga-Atenas kay Pablo ay ilan lamang sa mga paraan ng panlilibak. Ngunit ang panlilibak ay hindi dapat maging hadlang na ipangaral ang Mabuting Balita kundi dapat lalo pang magtulak sa pagpupursige na maisulong ang Kaharian ng Diyos. Sapagkat pinauna na ni Hesus sa mga magiging taga-pagdala ng Kanyang pangalan ay makakaranas (Juan 15;18-19).


Basahin : Acts 26:1-32






ANG NAGHANGAD

Marami ang pumapasok sa Kristiyanismo na mayroong pansariling interes. Karamihan sa kanila ay mga nagiging lider ng isang ministeryo o nasa loob nito at sila ay may lihim na motibo. Isa sa mga katiwaliaan sa Kasaysayan ng Kristiyanismo ay ang tinatawag na "Simony". Ito ay pagbili ng kapangyarihan upang mamuno sa simbahan. Ito ay galing sa pangalan ni Simon na Salamangkero na naghangad na bilihin ang kapangyarihan na nakita niya sa mga apostol sa pagpapatong ng kamay ay bumaba ang Espiritu Santo. 

Si Simon na Salamangkero ay gumagawa ng mga mahika at ang mga tao ay mayaman man o mahirap ay napapaniwala niya at tinuturting siya na isang tao nay may kapangyarihan ng Diyos. Ngunit dumating ang pangangaral ng Salita ng Diyos sa katauhan ni Felipe. Ang mga tao ay nangagsisampalataya at nagpabawtismo sa ngalan ni Hesus. Maging si Simon ay nanampalataya, nagpabawtismo at sumunod kay Felipe sapagkat siya ay namangha sa ginawa ng mangangaral. Ngunit dumating ang araw na siya ay nabilad ang lihim na panghahagad. Sinabihan siya ng mga apostol na siya ay walang bahagi sa ministeryo at inutusang tumalikod sa kasalanan sa kalapastanganan na kanyang ginawa tanda na ang pananampalataya niya ay isang huwad.

Ang pananampalataya ng dahil sa kababalaghan ay hindi nakapagliligtas at ito ay nagdudulot ng pansariling interest kaya nananatili. Noong panahon ng ministeryo ng Panginoong Hesus, marami ang mga sumunod sa Kanya dahil sa kababalaghan na Kanyang ginawa ngunit hindi Niya ipinagkatiwala ang Kanyang sarili sa kanila (Juan 2:23-25). Marami ang tumalikod kay Hesus. Sila ay ang mga taong nakaranas Niyang pakainin kaya ang kanilang pagsunod ay dahil sa kabusugan (Juan 6:66).   

Sa panahon ngayon, marami ang nagnanais maging Kristiyano na naghahangad ng mga bagay bagay. Hindi garantiya na ang isang tao na naniniwala kay Hesus, nagpabawtismo sa ngalan ni Hesus at kabilang sa isang ministeryo ay tunay na nananampalataya. Ang tanging dapat hangarin ng mga nasa loob ng Kristiyanismo ay paghahangad na maging katulad ni Kriso - sa kabanalan at matuwid na pamumuhay ayon sa kalooban ng Diyos.


Basahin : Acts 8:9-24







ANG UMIWAS

Ang Mabuting Balita ay magdudulot ng takot sa isang tao sapagkat nakapaloob dito hindi lamang ang awa at habag ng Diyos kundi maging ang poot ng Diyos na ipaparanas pagkatapos ng paghahatol dahil sa kasalanan ng tao. Dahil dito, may mga makaririnig na ang kanilang tugon ay iwasan ito o kaya'y huwag paniwalaan dahil sa takot. 

Noong panahong nililitis si Pablo sa pumumuno ni Felix, ipinatawag siya nito kasama upang mapakinggan ang pananampalataya kay Kristo Hesus sapagkat mayroon siyang eksaktong kaalaman patungkol sa "ANG DAAN" (ang tawag noon sa grupo ng mga mananampalataya ni Kristo). Kasama ang kanyang asawa ay narinig nila mula kay Pablo ang Mabuting Balita. Ngunit ng marinig niya ang patungkol sa katuwiran, pagpipigil, at paghahatol ng Diyos iniwasan niya ito sa pamamagitan na ipagpaliban muna ang pangangaral na iyon. Ang pag-iwas ay bunsod sa kasalanan kanyang ginagawa sapagkat binanggit ang patungkol sa katuwiran, pagpipigil, at paghuhusga ng Diyos. 

Marami ang tatanggap at tutugon sa panawagan kapag ang tanging kanilang malalaman sa Mabuting Balita ay ang pag-ibig, awa, kabutihan ng Diyos lamang. Ngunit kapag ang katuwiran, poot ng Diyos laban sa kasamaan at kasalanan at paghuhusga ng Diyos marami ang iiwas sapagkat ang kasalanan nila ay nabibilad. Ang pagdating ni Hesus bilang liwanag ng sanlibutan ay tiyak na katatakutan at ito ay iiwasan sapagkat mabibilad ang kasalanan na kanilang ginagawa (Juan 3:19-20).


Basahin : Mga Gawa 24:1-27

ANG MGA NAGMATIGAS

Ang tatlong grupo ng Judaismo ay madalas nakaririnig ng Mabuting Balita mula sa ating Panginoong Hesus. Sa loob ng halos tatlong taon binabantayan nila ang bawat katuruang sinasabi, ikinikilos, at maging ang mga himalang ginagawa Niya. Subalit, sa halip na tumugon sa panawagan ng Mabuting Balita sila ay nagmatigas. Sila ay harapan na nakarinig ng pagtutuwid, pinaalalahanan patungkol sa hatol na kanilang haharipin, at maging sambitin ng walang pag-aalinlangan ang lahat ng kanilang kabulukan at pagkukunwari mula pa sa panahon ni Juan na tagapagbawtismo. Ngunit ang mga ito ay nanatiling nagmatigas sa mga narinig na pangangaral ng Mabuting Balita. 

Ang kanilang pagmamatigas ay makikita sa kanilang inuugali at intensyon tuwing sila ay pumupunta kay Hesus. Ang intensyon nila ay hindi manampalataya kundi humanap ng maipupula kay Hesus. Pinaratangan si Hesus na Siya ay marumi sapagkat Siya ay nakikisalo sa mga publikano at mga makasalanan. Inakusahang rin Siya na sa kapangyarihan ni Beelzebub ang kanyang ginagawang kababalaghan. Isa sa kanilang mga pamamaraan ay ang pagtatanong upang hulihin si Hesus sa Kanyang mga pananalita. At isa sa kanilang pagmamatigas ay ang pagtatangka sa buhay Niya. Ngunit ang lahat sila kasama ang kanilang mga pamamaraan ay bigo upang mahadlangan at sirain ang pagiging dakila ni Hesus.

Ang kasukdulan ng kanilang pagmamatigas ay ng Siya ay lihim na kanilang dinakip upang hilingin sa pamunuang Romano na Siya ay ipako. Siya ay pinahirapan, kinutya, sinampal, at kung anu-ano pang mga pang-iinsulto ang kanilang ginawa kay Kristo Hesus hanggang sa krus ng kalbaryo. At ang pagmamatigas na ito ay nadugtungan pa hanggang sa muling pagkabuhay ni Kristo na bayaran ang mga tagapagbantay ng libingan at sabihing ang kanyang bangkay ay ninakaw ng Kanyang mga alagad. 

Maraming tao ang nagmamatigas tuwing maririnig nila ang Mabuting Balita. Pinasisinungalingan ang Bibliya at inaakusahan ito. Maging ang mga tagapagdala ng Mabuting Balita ay nakakaranas ng pangungutya tanda na ang mga nakakarinig ay nagmamatigas. Huwag tularan ang mga taong ito kundi huwag patigasin ang puso kapag narinig ang Mabuting Balita na mismong Kanyang salita (Hebreo 4:17).


Basahin  : Matthew 23:1-39





Thursday, August 29, 2013

ANG TUMALIKOD

Maraming sumunod kay Hesus dahil sa bagay na tinutugon ni Hesus gaya ng pagkain. Ngunit ng marinig ng mga taong iyon ang turo na patungkol sa pagkain ng Kanyang laman at pag-inom ng Kanyang dugo marami ang tumalikod sa Kanya at hindi na muling bumalik muli. Inanyayahan Niya ang mga tao ngunit maraming dahilan na ginamit upang hindi tumalima sa panawagan ng Mabuting Balita. At isa sa mga dahilan ay ang pag-ibig sa ibinibigay ng mundong ito.

Isang binata na isang mayaman at pinuno ang lumapit kay Kristo at nagtanong kung paano siya magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Tama ang kanyang motibo na nais niyang maligtas. Ang kanyang tanong ay isang tanong ng marami patungkol sa kaligtasan. Ngunit mayroon siyang maling pananaw siya patungkol sa paraan ng Diyos upang maligtas at ito ay pag-ibig sa kanyang pag-aari, sa kanyanag kayamanan, sa ibinibigay ng mundong ito. Ang nais sumunod kay Kristo ay dapat limutin ang sarili, pasanin ang krus araw-araw at sumunod kay Kristo (Lukas 9:23). Ang kaligtasan ay hindi sa pagiging matuwid dahil sa sarili kundi dahil sa ginawa ni Kristo. Kung hindi ganito ang pananaw ay siguradong pagtalikod sa panawagan ng Mabuting Balita ang magiging tugon gaya ng nangyari sa mayamang binata.  

Sayang ang pagkakataon na nalaman niya mula sa Panginoong Hesus kung paano magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Akala niya na sapat ang kanyang pagsunod sa batas para sa kaligtasan ngunit siya ay nabigo. At ang pagtalikod sa panawagan ng Mabuting balikan ang pagmamahal sa kayamanan na kanyang higit na pinahahalagahan.


Basahin : Mateo 19:16-30

ANG NAG-ALINLANGAN

Tuwing naririnig na ang Mabuting Salita kalimitan ay tinatalikuran ng nakararami ito. Ngunit isa sa mga tugon ay ang pag-aalinlangan. Ang dahilan ng pag-aalinlangan ay dahil sa ligayang nakukuha  mula sa mundong ito. Noong panahon ni Kristo marami ang naga-alinlangang manampalatay pagkatapos marinig ang Mabuting Balita. Isa na rito si Pilato - ang gobernador noong panahon ni Hesus.

Isa sa nakapanghihinayang na pagkakataon ng ipinakilala ni Hesus mismo ang kanyang sarili sa kanya noong panahon na siya ay nililitis. Narinig niya mula kay Hesus ang pagpapakilala nito bilang hari. Maging ang kanyang asawa ay binigyan pa siya ng paalala na ang taong nililitis (Hesus) ay matuwid. Ginawa niya ang lahat upang mapalaya si Hesus sapagkat siya ay kumbinsido na si Hesus ay walang kasalanan. Pinadala niya Siya sa mga berdugo upang hagupitin upang iharap sa tao at maawa ang mga ito. Ngunit hindi nagbago ang desisyon ng mga tao na ipako si Hesus. Ginawa niya rin na bigyan ng pagpipilian ang tao kung sino ang palalayain, si Hesus o si Barabas sa pagbabakasakali na piliin si Hesus. Ngunit nabigo siya sapagkat mas pinili ng mga tao si Barabas na isang rebelde.

Ngunit ano ang dahilan ng kanyang pag-aalinlangan sa kabila na nasa kanyang kamay ang desisyon na maaaring ipataw kay Kristo? Ang dahilan ng pag-aalinlangan sa kabila na narinig at nalaman niya ang katotohana patungkol kay Hesus ay ang kanyang posisyon. Natatakot siya na baka ipetisyon siya na tanggalin sa posisyon bilang gobernador. Ibinigay niya ang hatol kay Kristo na ipako sa krus ngunit siya ay naghugas ng kamay tanda na siya ay walang kinalaman. Sa kanyang paghuhugas kamay, nakadikit sa naranasan na hatol ni Hesus na hirap ay ang pangalan niya (Mga Gawa 4:27; 1Timoteo 6:13). 

Tulad ni Pilato, maraming nakarinig ng Mabuting Balita ang nag-alinlangang manampalataya sa kay Hesus. Ang pagtugon sa Mabuting Balita ay nangangailangan ng lakas ng loob upang talikdan ang isang bagay na pinahahalagahan sa buhay. Huwag sayangin ang pagkakataon na manampalataya kay Hesus sa araw na mahayag ang katotohanan.

Basahin : John 18:16-19:22

ANG MGA NATURUANG PUSO

Isa sa pinakamalaking naiambag ng kulturang Griyego sa pamamagitan ni Alexander the Great ay ang tinatawag na pilosopiya (karunungan). Isa sa mga kilalang mga pilosopo ay sina Socrates, Plato, at Aristotle. Sinakop ng kanilang pilosopiya ang buong mundo. Dahil dito ang mga ito ay nadagdagan ng nadagdagan na nagpabaon sa isip ng tao na mahirap tanggalin. 

Si Pablo ay nagkaroon ng pagkakataon na ipangaral sa mga taga Atenas sa Gresya na kilalang mga matatalino. Dalawang grupo ang nagdala sa kanya sa Areopago (lugar kung saan nagkakaroon ng pagkakataon ang isang tao na magsalita patungkol sa kanyang karunungan o pananaw - konseho), ang mga Epicureo at mga Estoico na magkasalungat ang pilosopiya. Sa lugar nai iyon ipinahayag ni Pablo ang patungkol sa tunay na Diyos na manlilikha at pagkatapos ay si Kristo na muling nabuhay. Ngunit ng marinig ang patungkol sa muling pagkabuhay ay nangingisi ang iba at ang iba ay ipinagpaliban sapagkat hindi sila naniniwala sa muling pagkabuhay. 

Sa kabila ng di pagtanggap ng nakararami, may iilan na nangagsisampalataya dahil sa pangangaral ng Mabuting Balita. Sina Dionisio at Damaris. Ang kanilang puso ay naturuan upang magkaroon ng tamang karunungan na nagdudulot ng kaligtasan. Ang tunay na karunungan ay mula sa pagkatakot sa Diyos upang mamuhay ng ayon sa kaloban ng Diyos ayon sa Kanyang Salita. 

Maraming tao ang may matibay na pananampalataya sa kanilang nakagisnan na relihiyon o pilosopiya sa buhay. Maging ang mga kulto ay may matibay na pananampalataya sa kanilang pinanampalatayanan sapagkat sa kanila ito ang tama at totoo. Ngunit darating ang araw na ang puso ay tuturuan ng Diyos at idadako Niya sa katotohanan na isinasaad ng Bibliya.


Basahin : Acts 17:16-34


ANG NAKASUMPONG NA PUSO

Maraming tao na sa kanilang puso ay naghahanap ng katotohanan gaya nina Agustin, Martin Luther, at ng iba pang mga naging mananampalataya. Ang paghahanap sa katotohanan ay inilagay sa puso nila upang magpatuloy sa paghahanap ng katotohanan hanggat ipahintulot ng Diyos na masumpungan nila ito. Sila ay tulad ng mangangalakal na naghahanap ng perlas sa talinghaga ng perlas at nang matagpuaan niya ito ay ipinabili ang lahat ng ari-arian mabili lamang niya ito. (Mateo 13:45-46)

Ang tanging paraan upang masumpungan ang katotohanan ay maipangaral ang Mabuting Balita. Isa sa nakasumpong ng katotohanan sa pamamagitan ng pangangaral ay si Sergio Paulo na itinalagang gobernador sa Chipre at isang matalinong tao. Ipinatawg niya sina Pablo upang mapakinggan ang ipinangangaral nila. Sa kabila ng kilos ng kaaway sa pamamagitan ni Elimas na isang salamangkero ay pilit na inilalayo sa katotohanan ang gobernador. Ang kilos ng Banal na Espiritu sa buhay nina Pablo ay napigilan ang gawa ng salamangkero na paglalayo sa katotohanan. Dahil sa nakita at narinig ng gobernador, ito ay nanampalataya.

Tunay na ang pangangaral ng Mabuting Balita ang tanging paraan upang masumpungan ang katotohanan sapagkat ito mismo ang katotohan na dapat ipagsigawan para sa kaligtasan ng isang tao. Ang pagkakaroon na pagnanais masumpungan ang katotohanan ay inilagay ng Diyos sa mga taong Kanyang ililigtas. Nasumpungan mo na ba ang katotohanan?


Basahin : Acts 13:6-12


Wednesday, August 28, 2013

ANG PINATATAG NA PUSO

Ang pagpapatiwakal ay kawalan ng katatagan na nag-uugat sa kawalan ng pag-asa. Ngunit mayroong solusyon sa mga taong nawawalan ng pag-asa. Ito ang tunay na pag-asa na nagmumula sa Mabuting Balita ng kaligtasan upang magpatuloy sa buhay sa kabila ng kinahaharap na paghihirap.

Isang bantay ng kulungan sa Filipos ang tinangkang kitilin ang kanyang buhay sa pagtanaw sa parusang ipapataw sa kanya dahil sa mga nakawalang preso. Ngunit bago pa man gawin iyon ay sumigaw si Pablo na naroon pa silang lahat. Nagpatirapa ang bantay at tinanong kung paano siya maliligtas. Pananampalataya kay Hesus ang tanging sagot sa katanungan ng bantay. Ang kapahayagang ito ng Mabuting Balita ay ang nagpatatag sa puso ng bantay upang magpatuloy sa buhay.

Ang kaligtasan dulot ng Mabuting Balita ay siyang nagbibigay ng pag-asa upang patatagin kalooban ng isang tao upang magpatuloy sa buhay. Maraming Krisitiyano noong unang at ikalawang siglo ang umabot sa matinding pag-uusig. Sila ay kinulong upang maging kasiyahan sa arena. Ipinalapa sa mga mababangis na hayop, babae man o lalaki, bata man o matanda. Sila ang ginamit bilang sulu sa tuwing gabi sa Roma. Marami sa kanila ang umabot sa maraming paghihirap, ngunit dahil sa pag-asa na dulot ng Mabuting Balita pinatatag ang kanilang mga puso upang magpatuloy sa buhay pananampalataya. 


Basahin : Acts 16:25-40

ANG NABUKSANG PUSO

Ang unang naitala na naligtas sa Europa ay isang babaeng nagngangalang Lydia. Isang babae mula sa Tiatira na naglalako ng telang kulay ube na isa sa mamahalin noong panahon na iyon.  Isa siyang sumasamba sa tunay na Diyos ngunit ito ay hindi makapagliligtas sa kaniya.

Siya ay produkto ng Ikalawang Misyonaryong Paglalakbay nina Apostol Pablo. Habang nangangaral sina Pablo nakikinig itong si Lydia. Sa kaniyang pakikinig, binuksan ng Diyos ang kanyang puso. Ang pagbubukas ng puso ay dulot Salita ng Diyos. Ito ay ang kapanganakan sa Espiritu. Kailangang maipanganak muli ang tao upang makita niya ang Kaharian ng Diyos (Juan 3:3). At dahil bukas na ang kanyang puso, handa ng tanggapi sa kanyang puso ang ipinangangaral na Mabuting Balita.  Siya ay tumugon sa ipinangangaral nina Pablo.

Tunay na hindi makapaliligtas kahit pa ang isang tao ay sumasamba sa tunay na Diyos. Ang pagbubukas ng puso ay mahalaga at ito ang ginagawa ng Diyos ayon sa Kanyang pasya at hindi sa kagustuhan ng tao. Tanging ang mga pusong binuksan lamang ng Diyos ang tunay na makatutugon sa panawagan ng Mabuting Balita na ipinangangaral.


Basahin : Acts 16:11-15

ANG INIHANDANG PUSO

Ang plano ng Diyos na pagliligtas ay hindi lamang sa mga Hudyo kundi pati rin sa mga Hentil. Hindi lamang ito para sa mga mahihirap, sa mga ordinaryong tao, o mga alipin kundi para din sa mga mayayaman, namumuno sa bayan at sa mga panginoon. Ito ay pinatutunayan ng aklat ng Mga Gawa kung saan ang pangangaral ng Mabuting Balita ay ipinakikilala si Hesus na tanging daan papuntang Ama (Juan 14:6). 

Si Cornelio na isang Hentil, senturyon ng pulutong Italiano ay nabiyayaan ng kaligtasan. Isang deboto na may takot sa Diyos, matulungin at mapanalanginin ay isang modelo ng isang relihiyosong tao. Ngunit kapansin-pansin na sa kabila ng kanyang pagiging relihiyoso hindi niya nakikilala ang Hesus. Ang mga katangian niyang iyon ay hindi makapagliligtas sa kanya ngunit ang mga iyon ay panimulang gawain ng Diyos bilang paghahanda sa puso na tatanggap ng pananampalataya na nagmumula sa Mabuting Balita kung saan si Hesus ay ipinakikilala. Siya ay tulad ng matabang lupa sa Talinhaga ng mga Lupa (Mateo 13:8) na inihanda upang hasikan ng binhi. 

Dalawang pangitain ang naganap. Ang unang pangitain ay pangitain na ipinadala ng Diyos para sa hahasikan ng binhi, si Cornelio. Ang ikalawang pangitain ay para sa gagamitin ng Diyos upang maghasik, si Pedro. Ipinatawag ni Cornelio si Pedro at si Pedro ay tumugon upang ang planong kaligtasan sa tahanan ni Cornelio ay maganap. Ipinakilala ni Pedro sa kanyang pangangaral si Hesus, ang mga bagay na nangyari kay Hesus at ang Kanyang kadakilaan magiag ang pagiging Hukom na hahatol sa mga buhay at patay. Sa pangangaral na iyon naganap ang pagbaba ng Banal na Espiritu tanda ng kaligtasang natanggap mula sa Diyos.

Ang isang tao ay maaring relihiyoso at may pagkatakot sa Diyos ngunit ang pananampalataya na nakapagliligtas ay nagmumula sa Mabuting Balita sa pamamagitan ng pangangaral. Ang paghahanda ng pusong tatanggap ng binhi ng Mabuting Balita ay sa Diyos nagmumula lamang. Ipangaral ang Mabuting Balita para sa mga pusong inihanda ng Diyos sa pagtanggap.


Basahin : Acts 10:1-48

ANG NALIWANAGANG PUSO

Nang nagsimula ang pag-uusig sa mga Kristiyano sa buong Judea sa pangunguna ng mga Pariseo, sila ay naghiwa-hiwalay. Ngunit ganoon man ang nangyari, ang pangangaral ng Mabuting Balita ay lumawak pa. Sila na mga nasa iglesya ay humayo pa sa mga lugar upang maging saski sa mga taong hindi pa nakakarinig patungkol kay Hesus.

Isa sa nabiyayaan ng paghiwa-hiwalay ng dahil sa pag-uusig ay ang isang bating (eunuch) na taga-Etiopia. Siya ay galing mula sa Herusalem para sa pagsamba at pabalik na sa kanyang bayan. Sa kanyang pagbabalik, siya ay nagbabasa ng aklat ng Isaias ngunit hindi niya ito maintindihan. Si Felipe ay ipinadala ng Diyos habang siya ay naglalakbay sakay ng karwahe. Pinasakay niya si Felipe at dito nagsimula ang pagliliwanag ng isipan patungkol sa hinula sa aklat na iyon. Ipinakilala ni Felipe si Hesus ang sinasabi sa hula sa aklat ng Isaias.

 Ipinakikita na ang tunay na pananampalataya ay nagmumula sa pakikinig ng Mabuting Balita (Roma 10:17) at ito lang ang tanging kapangyarihan ng Diyos upang maligtas ang isang tao (Roma 1:16). Kahit ang isang tao ay sumasamba sa tunay na Diyos, tanging kay Hesus lamang masusumpungan ang kaligtasan. Ang pananampalataya kay Kristo ang tanging daan upang makarating sa Ama.  Ang naliwanagang puso patungkol kay Hesus ay dulot ng pangangaral ng Mabuting Balita.

Ang pag-unawa sa mga Kasulatan ay napakahalaga sapagkat ang nilalaman  at inihahayag nito ay si Hesus na Siyang ipinangako para sa kaligtasan na Siyang dapat panampalatayanan (Lukas 24:27). Marami ang sumasamba sa tunay Diyos, tumatawag sa tunay na Diyos ngunit hindi nakikilala si Kristo. Ganunpaman, sa mga tunay sumasamba, dahil mapag-ibig ang Diyos ilalapit sila ng Ama kay Hesu-Kristo sa tamang panahon na itinalaga ng Diyos upang maliwanagan patungkol kay Kristo na tanging Panginoon at Tagapagligtas.


Basahin : Acts 8:26-40 

Tuesday, August 27, 2013

ANG MGA NASUGATANG PUSO

Ang Salita ng Diyos ay mas matalas kaysa sa espadang dalawang talim (Hebreo 4:12). Sa unang pangangaral ng Mabuting Balita pagkatapos umakyat ni Hesus, naransan ng mga taga-Israel ang talas ng Salita ng Diyos na humawa sa kanilang puso.

Panahon iyon ng Pentecostes kung saan ito ay ipinagdiriwang ng mga Israel limampung araw pagkatapos ng araw ng Paskwa. Ito ang araw ng pagbibigay ng batas ng Diyos pagkatapos maging malaya ng mga Israelita mula sa pagkakaalipin mula sa Ehipto. Ito ay may kaugnayan sa kanilang pag-aani, ang araw ng paghinto sa pag-aani mula sa unang araw ng unang bunga ng ani.

Ngunit sa araw na iyon, sa pagkakatipon naganap ang pagbaba ng Espiritu Santo at binigyan ng kapangyarihan ayon sa sinabi ni Hesus bago Siya umakyat sa langit (Mga Gawa 1:8) at sila ay magiging mga saksi mula sa Herusalem hanggang sa kaduuduluhan ng mundo. Si Pedro ay tumayo upang mangaral sa mga Hudyo. Inihayag niya ang kadakilaan ni Kristo na kanilang ipinapatay. At ang kanilang puso ay nangahiwa dahil sa pangangaral na iyon. Ang pangangaral ng Salita ng Diyos na nagdulot ng pagkabagabag dahil sa kanilang kasalanan, sila ay tumalikod at tinanggap ang Salita ng Diyos at nagpabawtismo. Sila ay naligtas at nagpatuloy sa aral na tinanggap ng mga apostoles mula sa Panginoong Hesus. 

Kahit pa gumaganap sa ipinag-uutos ng Diyos gaya ng mga ginagawa ng Hudyo tuwing kapistahan ay hindi ito makapagliligtas. Ang tamang pagkilala kay Kristo sa pamamagitan ng Mabuting Balita ay magdudulot ng sugat sa puso dahil sa kasalanan laban sa Diyos. Ang taong tunay na nasugatan ang puso ay taong tatalikod at mamumuhi sa kasalanan at mananampalataya kay Kristo. Ang pangangaral ng Salita ng Diyos ay humihiwa sa puso ng mga taong ililigtas ng Diyos upang makita ang kasalanan laban sa Kanya na isang banal. Ang pagtalikod sa kasalanan at pananampalataya kay Kristo ay dahil sa biyaya ng Diyos dulot ng pangangaral ng Mabuting Balita. 

Marami ang nagpupunta sa altar pagkatapos ng pakikinig, umiiyak at nanaghoy ngunit hindi ito ang tanda ng tunay na nasugatan ang puso. Ang tunay na nasugatan ang puso ay ang taong, sa kanyang pamumuhay ay kinamumuhian ang kasalanan at nagpapatuloy sa buhay pananampalataya kay Kristo Hesus sa pamamagitan na pagtugon sa kalooban ng Diyos.


Basahin : Acts 2:22-42



Monday, August 26, 2013

ANG PAGTATAGPO SA DAAN

Isang tao ang nagmamalaki ng kanyang pagiging Pariseo, pagiging Hudyo sa lipi ni Benjamin, pagiging Romano at pagiging Griyego. Ipinagmamalaki rin niya ang kanyang pagiging matuwid dahil sa pagdating sa batas ay walang maipupula sa kaniya. Isang masigasig na tagapag-usig ni Hesus  (Filipos 3:4-6)Siya ay si Pablo na dating si Saul. 

Ang kanyang kasigasigan sa pag-uusig sa mga taga-sunod ni Kristo ay unang namataan sa pagbato kay Esteban bilang tagapag-bantay ng mga balabal ng mga bumabato (Mga Gawa 7:58; 8:1). Di lamang sa kamatayan ni Esteban maging sa pagtugis sa mga Kristiyano sa loob ng mga iglesya at tahanan upang ipakulong sa bayan ng Israel (Mga Gawa 8:). Hindi lamang sa mga bayan ng Israel ang pagnanais na tugisin ang mga Kristiyano kundi maging sa karatig bansa. Humingi pa siya ng dokumento upang hanapin at hulihin ang mga taga-sunod ni Hesus sa Damasco.

Ngunit dumating ang isang pagtatagpo sa daan na nagpabago ng buhay at perspektibo niya patungkol kay Kristo at sa mga taga-sunod ng Panginoon. Habang binabagtas nila ang daan papuntang Dasmasco ay isang liwanag mula sa langit dahilan upang mapaatirapa sila sa lupa. Nagsalita ang si Kristo na tanging siya lamang ang nakakarinig. Nagpakilala si Hesus bilang kanyang inuusig. 

Ang pagtatagpong iyon ang nagpabago kay Pablo. Ang dating umuusig ay inuusig na dahil kay Kristo. Ang dating ipinagmamalaki ay ituring na kasuklam-suklam. Ang dating nagmamalaki na matuwid dahil sa batas ay nagpakumbaba sa kanyang pagiging matuwid dahil kay Kristo. Ang dating masugid na maitigil ang pangangaral ng Mabuting Balita ay ang masugid na tagapagdala ng Mabuting Balita ng Kaligtasan.

Marami tayong ipinagmamalaki sa buhay, ang karunungan, kayamanan, estado ng buhay at iba pa. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi kailanman maitatapat kay Kristo na ating katuwiran, kaligtasan, at kabuuan ng ating buhay. 


Basahin : Acts 9:1-9

Sunday, August 25, 2013

ANG PAGTATAGPO SA KRUS

Ang krus sa panahon ng Imperyo ng Roma ay kasumpa sumpa. Ang pagkamatay sa krus ay kamatayan ng isang kriminal na gumawa ng isang karumal dumal na krimen. Ito ang krimen na ipinararatang sa Panginoong Hesus kaya Siya ay ipinako sa krus sa pagitan ng dalawang magnanakaw. Ngunit nagkaroon ng pagtatagpo sa krus hindi para sa kamatayan kundi sa pagbibigay buhay sa isa sa mga magnanakaw. 

Ang pagtatagpong iyon ay ang kaligtasan ng isang makasalanan na nasa bingit ng kamatayan. Nakita niya ang kanyang kasalanan at karapat-dapat siya na mamatay sa ganoong hatol. Kasabay noon ay nakita niya si Hesus ay walang kasalanan. Ito ang ginamit niya upang ipaalam sa isa sa nakapako na si Hesus ay hindi nararapat ng kamatayan ng tulad na sasapitin nila sapagkat ito ay walang ginawa ng masama. 

Ang pag-uusap ng isang makasalanan na nasa pintuan na ng kamataya at tagapagligtas sa krus ay isang tagpo ng pagpapakita ng pagkahabag ng Diyos. Inihayag niya ang kanyang pananampalataya kay Hesus hindi bilang isang gumagawa ng himala gaya ng hinihiling ng kasama niya kundi bilang Hari. Hiniling niya na alalahanin siya ni Hesus sa Kanyang paghahari. Si Hesus lamang ang makapagliligtas sa kanyang kalagayan bilang makasalanan na haharap sa mas mataas na hatol ng Diyos sa kabilang buhay. Ang hatol na kamatayan sa krus ay hindi maikukumpara sa hatol na kamatayan sa impyerno. Hindi binigo ni Hesus ang magnanakaw na iyon sa kanyang pagsusumamo. Ibinigay Niya ang kasiguruhan ng kanyang kaligtasan na isasama ng sandali rin na iyon sa paraiso. 

Ang pagtatagpo sa krus ay gaya ng pagtatagpo sa bingit ng kamatayan ng isang makasalanan at ng Tagapagligtas. Ito ay nagpapakita ng kakayanan ng Diyos magligtas ng anumang tao kahit na pinakamasama at sa kahit anong panahon ng buhay. Ito ay dahil ang Diyos ay mahabagin.


Basahin : Luke 23:39-43




ANG PAGTATAGPO SA PUNO

Gaya ni Mateo, si Zacheo na isang publikano (maniningil ng buwis). Hindi lang basta maniningil ng buwis kundi pinuno ng maniningil ng buwis. Maraming galit sa kanya sapagkat isang mandaraya ang mga publikano. Sumisingil siya ng labis labis sa mayayaman at maging mga dukha.  Dahil sa kanyang pagiging publikano, siya ay naging mayaman. Ngunit kinamumuhian sila at tinuturing na pinakamakasalanan sa Israel ng panahon nai yon.

Ngunit isang araw nabalitaan niya na dadaan sa lugar niya sa Jerico si Hesus. Nais niya itong makita ngunit sa dami ng tao ay hindi niya ito makita lalo na siya ay isang maliit na lalaki. Gustong gusto niyang makita ang Panginoong Hesus at ang naisip niya ay umakyat sa puno ng Sikamoro upang makita ang Hesus na tinatawag na Mesias. Pagdating ni Hesus sa lugar sa may puno kung saan naroon si Zacheo ay tinawag siya ng Panginoon at sinabing tutuloy Siya sa kanyang bahay. Bumaba si Zacheo ngunit marami ang nag-akusa kay Hesus maging kay Zacheo sa pagtuloy sa bahay ng isang makasalanan (Lukas 19:7). 

Sa pagtatagpo nila ni Hesus ay nabago ang kanyang pananaw bilang publikano. Nakita niya ang kanyang kasalanan ng pandaraya. Sinabi niya na ibabalik ito ng apat na beses, higit sa tradisyon na pagbabalik lamang ng tatlong beses  sa mga dinaya. Ang pamamahagi ng kalahati ng kayamanan niya sa mahihirap ay tanda na nakita niya sa kanyang pandaraya ang pagdarahop ng matindi ng mga ito dahil sa buwis na ipinapataw at sobrang paniningil.

Ang pagtatagpong iyon ang araw ng kaligtasan ng isang pinakamakasalanan. Dumating si Hesus upang hanapin at iligtas ang mga nawawala (Lukas 19:10). Gaya ni Zacheo, masumpungan nawa ang bawat isa sa atin ni Hesus. Sa Kanyang pagkakasumpong sa atin ay kilalanin ang sarili na makasalanan at kilalanin si Hesus na Panginoon at Tagapagligtas na naipapakita ng tunay na pagbabago sa buhay.


Basahin: Luke 19:1-10

TUNAY NA KARUNUNGAN

Ang pagkatakot sa Diyos ay pasimula ng karunungan
Awit 111:10a

Maraming karunungan ang itinuturing ng mundo. Karamihan sa mga ito ay nagmula sa mga kilalang mga pilosopo. Ilan sa mga nakaimpluwensya sa mundo ay mga karunungan mula kina Socrates, Plato, at Aristotle na mga Griyego. Si Confucius ng China ay marami ring naiaambag na karunungan. Marami sa atin ang yumayakap sa karunungang mula sa taong ito. 

Ngunit ito ba ay tunay na karunungan? Ang bibliya ay nagbigay ng isang pamantayan ng tunay na karunungan. Kung ang karunungang sinasabi ay bunga ng pagkatakot sa Diyos ito ang tunay na karunungan. Ang pagkatakot sa Diyos ay pagkilala sa Diyos na may kaugnayan sa kasalanan. Pinakilala ng Bibliya na ang Diyos ay namumuhi sa kasalanan dahil Siya ay banal at ang lahat ng gumagawa nito ay Kanyang huhusgahan sa tamang panahon. Pinakilala ni Hesus kung sino ang dapat katakutan. Ito ang Diyos na may kakayanang pumuksa ng kaluluwa at katawan sa impyerno (Mateo 10:28). Dahil sa pagkilala sa Diyos sa ganoong perspektibo ang tao ay magnanais at mamumuhay sa kabanalan at hindi sa kasalanan. 

Ang tunay na karunungan ay paglayo sa kasalanan at pagsunod sa kalooban ng Diyos (Job 28:28). Dapat tayong mamuhay sa tunay na karunungan na nag-uugat sa banal na pagkatakot sa Diyos sa pamamagitan ng pagkamuhi sa kasalanan at pagsunud sa Kanyang kalooban. 

ANG HADLANG SA PAGSAMBA SA DIYOS SA GITNA NG PIGHATI

Sinabi niya, "Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina at hubad akong magbabalik roon. Ang Panginoon ang nagbigay ang Panginoon din ang nag-aalis. 
Purihin ang pangalan ng Panginoon"
Job 1:21

Pagdating sa matinding pagsubok, maliban kay Hesus si Job ang isa sa mga magandang halimbawa. Anb aklat na Job ay patungkol sa pagkilala at pagsamba sa Diyos sa kabila ng pighati sa buhay. Ipinakilala ng Bibliya na si Job ay matuwid at kinamumuhian ang kasalanan. Siya ang pinakamayaman sa silangan noong panahon niya ayon sa pagbanggit ng mga bilang ng kanyang mga anak, kabuhayan, at mga alipin. Ngunit niloob ng Diyos na siya ay subukin at binigyan pahintulot si Satanas na gawan siya ng masama. Kinuha ang lahat ng kanyang mga alaga at marami sa mga alipin niya ang pinatay. Bukod doon, ang kanyang mga anak noong araw ding iyon ay nangamatay dahil sa pagbagsak ng mga haligi ng bahay dahil sa malakas na hangin. 

Ang karamihan sa tao, ang kanilang magiging reaksyon ay pagtingin sa kanilang sarili, sa kanilang damdamin na nasaktan dahil sa pagkakawala ng bagay sa kanila lalo na kapag ito ay buhay. Hindi natin maitatanggi na marami sa ganitong kalagayan ay aakusahan ang Panginoon sa kanilang sinapit. Ngunit sa mga Kristiyano, dapat ay maintidihan natin na ito ay hindi panahon ng pagsisi o pag-akusa sa Diyos dahil sa nangyari kung hindi dapat purihin, sambahin, at kilalanin ang pagka-Diyos Niya. 

Ngunit bakit mahirap sambahin ang Diyos sa gita ng pighati? Ang dahilan ay ang pagyakap ng tao sa mga bagay dito sa mundo. Mas iniibig ng tao ang mga bagay na ipinagkaloob at hindi ang nagkaloob nito sa kanya. Dapat na malaman na ang tao na siya ay walang pag-aari sa mundong ito at ito ay ipinagkaloob lamang sa kanya upang kilalanin at sambahin ang nagbigay nito, ang Diyos. At isa pang dapat malaman ay na darating araw ay kukunin ito ng Diyos ang mga bagay sa atin. Ang pagkuha ng Diyos ay hindi upang pagdamutantayo, kundi upang kilalanin siya at ibigin kaysa sa bagay na Kanyang ipinagkaloob. Sapagkat mas alam Niya ang nararapat sa atin at karapatan Niya ito bilang manlilikha. 

Nasubukan mo na bang purihin ang Diyos sa gitna ng iyong pighati? Alalahanin na Siya ang dapat ibigin at hindi ang Kaniyang ibinigay upang sa pagkawala ng mga ito sa buhay ay pagsamba ang ating tugon sa Kanyang pagkuha sa mga ito sa pamamagitan ng iba't-ibang pighati ng buhay. 

Wednesday, August 21, 2013

ANG PAGTATAGPO SA DALAMPASIGAN

Isang lugar kung saan nangaral sa Hesus ay sa dalampasigan ng lawa ng Galilea sa Genesaret. Sa lugar na ito ang pagtatagpo ng Panginoon ang mga unang disipulo na nagbunga ng pagsunod. Sila na magkapatid na Juan at Santiago at magkapatid na Andres at Pedro. Iyon ang araw na itinakda ng Diyos para sa kanilang pagsunod sa Panginoong Hesus. 

Ang araw na iyon inihayag ni Hesus ang Kanyang pagiging Diyos sa kanila na lumikha ng lahat ng bagay at ang may kontrol ng lahat. Sila ay walang huli sa pangingisda sa buong magdamag at lahat ay malungkot at dismayado sa nangyari. Hindi ito nagkataon kundi ipinangyari ng Diyos upang sa kanilang pagkakatawag. Inutusan sila ni Hesus na pumunta sa malalim at ihagis sa kanan ang lambat. Sila ay mga dalubhasa na sa pangingisda at alam nila ang oras kung kailan makakahuli at saan makakahuli ngunit si Hesus ay karpintero. Sila ay tumugon at pumalaot. Sa kanilang pagsunod sila ay nakahuli ng napakaraming isda na halos mapunit ang lambat at malubog ang dalawang bankang ginamit. Noon nila naiintindihan ang kapahayagan ni Hesus patungkol sa Kanyang sarili. 

Sa kanilang nasaksihan nakita nila ang kanilang pagiging makasalanan sa harapan ni Hesus na banal. Simula noon sinabihan sila ni Hesus na silay ay mamalakaya na ng tao. Ito ang kanilang pagkakatawag. Sila ay tumugon. Iniwan ang malaking huli sapagkat mas higit si Hesus kaysa sa mga malaking huli na iyon. Iniwan nila ang lambat ang kanilang kabuhayan para sa ipinagagawa ng Panginoon sa kanila bilang mga mamamalakaya ng tao sa pamamagitan ng paghahayag ng Mabuting Balita ng kaligtasan.

Ang tagpong iyon ang nagpabago sa kanilang buhay mula sa kadiliman papuntang liwanag. Ito rin ang simula ng kanilang pagkakatawag para sa isang gawain. Sila ay di lamang naging mga alagad kundi naging mga apostol. Sila ay mga unang saksi ng kaluwalhatian at kadakilaan ni Kristo. Dalawa sa kanila ay ang sumulat ng aklat sa bibliya ang una at ikalawang sulat ni Pedro at ng Ebanghelyo ayon kay Juan, ang una, ikalawa, ikatlong sulat ni Juan, at ang aklat ng Pahayag. Ang pagtalikod sa inaasahan sa buhay ay nagpapatunay ng tunay na pagsunod kay Kristo na Siya lamang na dapat asahan sa buhay  na ito. 

Marami sa atin ang umaasa sa ating sariling kakayanan para sa ating ikabubuhay. Ngunit si Hesus ang pinagmumulan ang nagpapahintulot ng mga bagay na ito sa atin. Ang pagsunod sa Panginoon ay nangangailangan ng paglimot sa dating buhay. 


Basahin: Luke 5:1-11 

ANG PAGTATAGPO SA BAYARAN NG BUWIS

Sa listahan ng mga ibinibilang na masamang tao noong panahon ni Hesus, ang mga publikano o mga maniningil ng buwis ang itinuturing na pinakamasama sa talaan. Ang dahilan kung bakit itinuturing sila ng masama ay dahil sila ay ginagamit ng pamunuang Romano upang maningil ng buwis, at ang buwis ay madalas na labis labis na nagpapahirap sa mga Hudyo lalo na sa mga mahihirap. 

Ngunit isang araw ay nagkaroon ng pagtatagpo ang Panginoong Hesus at ang isang maniningil ng buwis na nagngangalang Levi na anak ni Alfeo na mas kilala na Mateo. Nang siya ay madaanan ni Hesus, tinawag siya at sinabi na sumunod sa Kanya. Iniwan niya ang bayaran ng buwis at sumunod sa Panginoon. 

Ang buhay na iniwan ni Mateo ay buhay na marangya, isang buhay na may seguridad kung pananalapi ang pag-uusapan. Ngunit iniwan niya ito upang sumunod kay Hesus. Kilala niya si Hesus na ang sinasabing Mesias - ang sinugo ng Ama upang iligtas ang makasalanan. Para sa kanya ang buhay kay Kristo ang mas higit na may halaga kaysa sa halaga ng kanyang pananalapi kaya buo sa kanyang puso ang pagsunod. 

Ang kanyang tunay na pananampalataya kay Hesus ay ipinakita sa paghahanda ng isang piging para kay Hesus sa kanyang bahay. Inimbitahan din niya ang maraming tao, mga publikano, mga pariseo, at mga ordinaryong mamamayan. Nababatid niya kung gaano kahalaga ang Hesus at ang buhay kay Hesus.

Mula noon siya ay isa sa naging mga alagad, isa sa mga apostol, mga unang saksi ni Hesus na naging tagapagpalaganap ng Mabuting Balita ng kaligtasan. Siya ang sumulat ng isang Ebanghelyo na ipinangalan sa kanya. Ipinahayag niya doon na si Hesus ang pinangakong Mesias ang Hari ng walang hanggang kaharian ng Diyos.

Marami sa atin ang tulad niya, na tinuturing na pinakamasamang tao at mandaraya. Ngunit hindi nagtatangi ang Diyos at ipinadala si Hesus para sa mga taong maysakit na nangangailangan ng manggagamot. Ang pagtatagpong iyon sa bayaran ng buwis ang nagbago sa buhay ni Mateo. 


Basahin : Luke 5:27-32

Tuesday, August 20, 2013

ANG PAGTATAGPO SA GABI

Si Nicodemo ay isang Pariseo at pinuno ng mga Hudyo na dumalaw ng gabi kay Hesus. Nasaksihan niya ang mga tanda na ginawa ni Hesus. Dahil dito naniwala siya na si Hesus ay sinugo ng Diyos bilang isang guro at ang Diyos ay sumasakanya. 

Ngunit sa kanilang pag-uusap ay ipinaalam ni Hesus na ang ganoon klaseng pagkilala sa Kaniya na bilang guro lamang ay hindi pananampalataya. Ang mga tandang ginawa ni Hesus ay hindi para kilalanin lamang Siyang guro kundi ang Anak ng Tao: na ang sinumang aakyat sa langit ay ang bumaba galing langit (Juan 3:13). Dito ay inihahayag Niya na Siya ang mula sa langit na bumaba at aakyat muli na sinasabi sa propesiya. Siya ang ipinangakong ipinadala ng Ama upang panampalatayanan ng tao para sa ikaliligtas (Juan 3:16). Siya ang liwanag na dumating sa mundo na magbibigay ng liwanag at maghahayag ng kasamaan ng tao (Juan 3:19). 

Ang makita ang Kaharian ng Diyos ay pagkilala kay Hesus na Siya ang Mesias, ang Ilaw na maghahayag ng kasamaan, ang isinugo ng Diyos Ama. Ang susi upang makita ang Kaharian ng Diyos ay ang kapanganakan muli sa Espiritu.(Juan 3:3). Ang pananampalataya ay hindi nagdudulot ng kapanganakan muli kundi ang kapanganakan muli ang magdudulot ng pananampalaya na dahilan upang makita ang Kaharian o ang paghahari ng Diyos sa buhay ng tao. Hangga't hindi ipinanganganak sa Espiritu ang isang tao ay hindi siya magkakaroon ng pananampalatayang na si Hesus ay Mesias kundi isang pagkilala kay Hesus na katulad ng kay Nicodemo.

Marami sa mga tao na ang pananaw kay Hesu-Kristo ay tulad ng pananaw ni Nicodemo. Maliban na ipanganak muli ay hindi kailanman magbabago ang pananaw nila na ito kay Hesus. Ang pagtatagpong ito ay maaaring nagdulot ng kapanganakan sa Espiritu upang panampalatayanan niya na si Hesus ang Mesias na hindi pinaniniwalaan ng mga Pariseo. Isang ebidensya ang pagdala ng mira para sa bangkay ni Hesus (Juan 19:39).


 Basahin : John 3:1-21

ANG PAGTATAGPO SA BALON

Ang pagdaan ni Hesus sa Samaria galing ng Judea ay hindi isang aksidente kundi ninais Niya upang ipakilala Niya ang Kanyang sarili bilang hinihintay na Mesias. Ang intensyon na iyon ay pagpapakita na ang kaligtasan ay hindi lamang sa mga Hudyo kundi maging sa ibang lahi. 

Ang pagpapakilala ni Hesus ay nagsimula ng Siya ay humingi ng tubig sa babaeng Samaritana. Ipinakilala Niya ang tagapagbigay ng tubig na pumapatid ng uhaw magpakailanman. At inihayag Niya na Siya ang tagapagbigay ng tubig na iyon nag makapabibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya ang babae ay humingi sa Kaniya ngunit hindi niya naiintidihan na ang sinasabi ni Hesus ay espirituwal at hindi literal na tubig.

Ang sumunod na pag-uusap na dumugtong ay ang patungkol sa asawa. Ipinatawag ni Hesus ang asawa ng babae upang ikumpisal ang katotohanan na wala siyang asawa ngunit may kinakasama na hindi asawa. At alam din ni Niya na mayroon itong limang naging asawa. Ipinakikita nito na bilang Diyos ay batid Niya ang buhay ng isang tao. Siya ay tinuring na propeta dahil sa pag-uusap na ito.

Sinundan ito ng paksa patungkol sa pagsamba. Ang mga Hudyo ay sa Jerusalem at ang mga Samaritano ay sa Gerizim. Ngunit sinabi ni Hesus na ang pagdating ng panahon na hindi na mananatili sa mga bundok na ito sasamba ang dalawang lahi kundi sa Espiritu at katotohanan sapagkat ang Diyos ay espiritu. Sa sinabi na ito ni Hesus ay naalala ng babae ang propesiya patungkol sa Mesias na tagapahayag ng mga bagay na inihayag ni Hesus. Kaya ang sinabi Niya na Siya ang kanilang hinihintay na Mesias. 

Sa tagpong ito ay nanampalataya ang babae kay Hesus na Siya ang Mesias at sa kanyang kagalakan sinabi ng babae sa kanyang mga kababayan patungkol sa Mesias na kanyang natagpuan sa balon. Nagpunta ang mga ito kay Hesus ay sila ay nagsisampalataya na Siya ang Tagapagligtas. 

Ang tagpong ito sa balon ay nagpapakita na ipapahayag ng Diyos ang Kanyang sarili sa atin upang tayo maligtas. Isang responsibilidad na ipangaral na Siya ay ang Mesias na inaasahan ng mundo, para sa kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay gaya  ng ginawa ng babaeng Samaritana. Ipahayag sa mga tao na si Hesus ang Mesias at Siya lamang ang makapagbibigay ng tubig na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 


Basahin: John 4:1-42  

ANG TUMAKAS NA ALIPIN

Si Onesimo ay dating alipin ni Filemon na isang mananampalataya ni Hesus sa pamamagitan ng pangangaral nina Pablo. Siya ay may nagawang pagkakamali kay Filemon na kanyang amo. At sa sulat ni Pablo kay Filemon ay ipinamamanhik na tanggapin muli si Onesimo na higit sa isang alipin kundi kapatid kay Hesu-Kristo. 

Sa paggawa ng hindi maganda sa kanyang amo ay lumayo ito at maaring nagtungo sa Roma kung saan ay nakilala ni Pablo habang siya ay nakakulong. Nabanggit din na maari na walang halaga kay Filemon ngunit naging kapakipakinabang naman kay Pablo sa ministeryo ng Mabuting Balita at kanyang ipinapadala upang ipaalam ang kanilang kalag ayan bilang mga misyonaryo (Colosas 4:9). 

Ang dating tumakas mula sa kanyang amo dahil sa hindi magandang nagawa ay naging malaking kapakinabangan sa Diyos. Isang magandang ehemplo siya sa atin na mukhang walang kakayanan o dating masama ang gawain na maari palang gamitin ng Diyos upang isulong ang kanyang paghahari. Tulad niya, tayo din ay minsan na may tinakasan sa buhay na nagawan natin ng hindi maganda ngunit ngayon ay ginagamit na kasangkapan ng Diyos para sa kaligtasan. 


Basahin: Filemon 1-25

ANG TUMAKAS NA MISYONARYO

Si Juan na mas kilala sa tawag na Markos ay batang-bata na anak ni Maria (isa sa mga taga-sunod ni Hesus). Ang kanilang bahay ay naging lugar panalanginan lalo na nung panahon na nakakulong sina Pedro at Juan (Mga Gawa12:12). Ang sumunod na pagkakabanggit sa kanyang pangalan ay sa panahon na siya ay maisasama sa misyon. Ang panahong ito ay ang Unang Misyong Paglalakbay ni Pablo. Sa unang misyon ay isinama ni Pablo si Bernabe mula Antioqui papuntang Chipre. Si Markos na mula sa Herusalem ay kasama na nila ay naging katuwang nila sa buong lugar sa Chipre sa pangangaral ng Mabuting Balita.

Ngunit sa kanilang pagtawid ng dagat papuntang mga lugar sa Timog ng Minor Asia sa Perga ay iniwan sila niya. Tumkas siya at pabalik ng Herusalem. Sa pagtakas ni Markos ay hindi na isinama muli ni Pablo para sa Ikalawang Misyong Paglalakbay. Dahil nais na makasama ni Bernabe ang kanyang pinsan na si Markos at hindi pumayag si Pablo ay naghiwalay ang dalawa. Isinama ni Pablo si Silas at isinama naman ni Bernabe si Markos. Ang pang-iiwan ni Markos ang dahilan kung bakit ayaw niyang makasama si Markos sa unang paglalakbay. 

Ngunit tumakas man si Markos sa misyon hindi siya nakatakas mula sa pagkakatawag ng Panginoon. Nang si Pablo ay nakulong sa Roma Mga Gawa 28:30-31) malaking pakinabang niya sa tumakas sa misyon na si Markos. Sa sulat ni Pablo kay Filemon ay nabanggit na nakasama niyang muli si Markos. Naging tagapaghatid ng katuruan sa mga taga-Colosas (Colosas 4:10). Habang si Pablo ay nasa kulungan. Sa ikalawang pagkakakulong ni Pablo sa ikalawang sulat niya kay Timoteo ay nais na dalhin si Markos sa kanya sapagkat malaking tulong siya sa ministeryo. Siya ay ginamit ng Diyos upang isulat ang isang aklat ng ebanghelyo.

Tulad ni Markos marami sa atin ang lumalayo sa pagkakatawag sa misyon. Ngunit ang ating pagkakatawag ay laging nakaankla sa misyon sa pamamaraan upang tupdin ang ipinag-uutos ni Kristo bago Siya umakyat sa langit na pagdidisipulo. Sa iba't ibang pamamaraan tayo ay dapat maging bahagi ng misyon at ang bawat isa na nananampalataya kay Kristo ay may responsibilidad sa dakila at banal na gawaing ito ng ating Diyos.


Basahin: Acts 12:25-13:1-13; 15:36-39   





ANG TUMAKAS NA DISIPULO

Sa lahat ng disipulo ni Hesus, si Pedro ang madalas na nababanggit ang pangalan sa mga aklat ng ebahelyo. Siya ay laging nasa pangunahing tagpo na isinulat na mga aklat ng ebanghelyo. Ang kanyang pagkakatawag ay nabigyan ng halos kumpletong detalye (Lukas 5:1-11) kahit ito man ay patungkol sa pagkakatawag ng ating Panginoon Hesus sa mga unang disipulo na mga mangingisda. Siya ay ang nakapaglakad sa tubig (Mateo 14:28-27). Siya isa sa mga nakasaksi ng pagbabagong anyo ni Hesus sa bundok (Mateo 17:1-8), sa paghuhugas ng mga paa ng mga disipulo (Juan 13:8-10), ang pumingas ng tenga ng isa sa mga dadakip kay Hesus upang pigilan ang mga ito (Juan 18:10). Subalit isa sa mga tagpo na nakilala si Pedro, ay ang pagtatatwa niya sa Panginoong Hesus na naging dahilan upang tumakas mula sa mga taong nakakilala sa kanya bilang alagad ng Panginoong Hesus. 

Ang propesiya ni Hesus na pagtatatwa ni Pedro ay binanggit ng sila ay nasa Bundok Olibo pagkatapos ng huling hapunan. Sa kanyang pagmamataas ay sinabi ng Panginoon sa kanya na itatatwa niya ang Panginoon at ang pagkatapos ay titilaok ang tandang. Ngunit ipinilit niya na hindi niya itatatwa ang Panginoon (Mateo 26:34-35). Ngunit ang winika ng Panginoon ay nangyari. Sa pagkakadakip sa Panginoon ang lahat ay nagsitakbuhan ngunit si Pedro ay sumunod sa pagdadalhan sa Panginoon upang maganap ang pagkakatatwa. 

Ang unang pagtatatwa ay isang alipin na batang babae na nakakilala sa kanya na alagad ni Hesus na taga-Galilea. Ang kanyang pagkakatatwa ay hindi niya alam ang ipinararatang sa kanya. Ang ikalawang pagtatatwa ay ng siya ay nakilala ng batang babaeng lingkod ng Punong Saserdote na siya ay alagad ni Hesus habang siya aiy nagpapainit.  Ang kanyang pagtatatwa ay hindi niya kilala ang taong tinatawag na Hesus na taga-Nazaret. Ang pangatlong pagtatatwa ay ang pagkilala sa kanya ng mga taong nakatayo roon at sinasabi na isa siya sa mga tagasunod ni Hesus ngunit muli niyang sinabi na hindi niya kilala si Hesus. At pagkatapos ng ikatlong pagtatatwa ay ang pagtilaok ng manok. Kanyang naalala ang sinabi ni Hesus patungkol sa kanyang pagtatatwa. Siya ay nanangis ng husto sa kanyang pagtakas sa lugar kung saan siya ay nakilala bilang alagad ng Panginoong Hesus. 

Itinanwa man ni Pedro ang Panginoon, ang layunin ng Diyos sa kanyang pagkakatawag ay mananatili at mangyayari sa kanyang buhay. Isang umaga na muling nagpakita ang nabuhay na si Hesus, sa kanilang pag-aalmusal ay tinanong siya ng tatlong beses kung mahal niya ang Panginoon tanda ng tatlong ulit niyang pagtatwa sa Kanya. Siya ay tumugon na mahal niya ang Panginoon at sa bawat tugon ay ipinaalam ng Panginoong Hesus ang layunin ng kanyang pagkakatawag.

Marami sa atin ang tumakbo palayo upang ikaila ang ating pagkakakilanlan sa Panginoong Hesus dahil sa matinding pag-uusig. Subalit ang Panginoon ay mabuti at maawain sapagkat muli Niyang ipapaalam sa atin ang layunin kung bakit tayo ay tinawag Niya para sa Kanyang kaluwalhatian. Tumakbo man tayo palayo sa pagkakakilanlan sa Panginoon, muli ay pag-aalabin Niya ang ating pag-ibig sa kanya sa pamamagitan ng paglilingkod na Kanyang iniatang sa ating mga balikat at di na muling tatakbo palayo.


Basahin:Matthew 26:34, 69-70;Mark 14:30,66-72;Luke 22:34,54-62;John 13:38, 18:15-18, 25-27






ANG TUMAKAS NA EBANGHELISTA

Si Jonas ay tinawag ng Diyos upang ipangaral sa Nineve ang kaligtasan sa pamamagitan ng pagbibigay babala laban sa nakaadyang poot ng Diyos sa kanilang bayan kung hindi nila tatalikuran ang kanilang mga kasalanan. Ang Nineve ay isang siyudad sa Syria na kalaban ng Israel. Ang kasalanan ng mga tao roon ay matindi lalo na ang pagsamba sa ibang mga diyus-diyosan. 

Ganun pa man, ang habag ng Diyos ay ipinakita sa kanila sa pamamagitan ng pagpapadala ng isang propeta, isang ebanghelista ngunit tumakas sa isang mahalagang bagay na ipinapagawa ng Diyos. Sa halip na tumugon si Jonas sa Diyos at tunguhing ang Nineve ay pumunta siya sa Joppa upang sumakay ng barko papuntang Tarsis.

Lulan ng barko, ang Diyos ay nagpadala ng isang malakas na unos. Malalaking alon ang humahampas sa barko dahilan ng pagkabalisa ng mga nakasakay ng naroroon. Ang bawat isa ay tumatawag sa kani-kanilang diyos upang sila ay saklolohan habang si Jonas ay mahimbing na natutulog. Ginising siya upang manalangin sa Diyos na kanyang sinasamba. Inalam din nila kung sino ang dahilan ng unos na ito at nalaman nila na si Jonas. Sinabi ni Jonas na siya ang dahilan dahil sa hindi niya pagtugon sa tawag ng Diyos sa kanya. Kaya't sinabi niya sa mga naroon na siya ay itapon na lamang. Nung una ay ayaw gawin sa kanya ngunit patuloy ang paglakas ng unos at sila ay napilitan na itapon si Jonas sa dagat.

Dahil sa plano ng Diyos na maipangaral ang balita ng kaligtasan sa Ninive sa pamamagitan ni Jonas, nagpadala ang Diyos ng malaking isda upang mainatiling ligtas si Jonas. Sa loob ng tiyan ng isda, nakita ni Jonas ang kanyang pagkakamali at siya ay nanalangin sa loob ng tatlong araw sa loob ng tiyan ng malaking isda. Pagkalipas ng tatlong araw siya ay iniluwa ng isda sa tuyong lugar. 

Muli ay sinabihan siya ng Diyos na pumunta sa Nineve at ipangaral ang mabuting balita ng kaligtasan. Sa pagkakataong iyon siya ay tumugon. Ipinangaral niya na kailangan nilang mangagsisi dahil sa kasalanan nila na nagpagalit sa Diyos ng husto dahilan upang sila ay tupukin ng Diyos. Tumugon ang mga taga-Nineve. Sila ay tumalikod sa kanilang mga kasalanan ay sumamba sa tunay na Diyos. Hindi na hinusgahan ng Diyos ang Nineve at parusahan.

Tulad ni Jonas, may ipinapagawa sa atin ang Diyos para sa ikaliligtas ng mga tao ngunit tinatalikuran ito ng una. Kapag tayo ay tinawag para sa kanyang gawain tayo ay para doon gaya ni Jonas. Anuman ang nangyari sa kanya pa rin ang Nineve sapagkat ito ay utos ng Diyos sa kanya. Sa pagkakatapon sa dagat, ang alam ni Jonas ay kamatayan na niya ngunit nagpadala ang Diyos ng probisyon upang siya ay mabuhay muli at tupdin ang pinapagawa sa kanya. Huwag mong takasan ang responsibilidad na ipinapagawa sa iyo ng Diyos kundi malugod mong itong gawin kahit anuman ang mangyari sapagkat ang Diyos ay tapat at mabuti. Siya ay laging nasa mga taong patuloy na gumagawa upang maisulong ang Kanyang kaharian. Maari may ipinapagawa sa aatin ang Diyos upang sa ikaliligtas ng mga tao na nasa paligid lamang natin. 

Basahin : Jonah 1:1-4:11

ANG TUMAKAS NA PROPETA

Si Elias ang propetang ginamit ng Diyos upang ipakita ng Diyos ang Kanyag pagka-Diyos. Siya ay humarap sa Hari ng Israel (Hilagang Kaharian) na si Ahab upang sabihin na hindi pauulanin ng Diyos sa loob ng tatlong taon at anim na buwan (Santiago 5:7) dahil sa kasalanan ng Israel sa pagsamba kay Baal na sa pangunguna ni Haring Ahab at ng kanyang asawang si Jezebel. Sa loob ng tatlong taon ang Diyos ay pinakain si Elias ng Diyos.   

Pagkalipas ng mahigit na tatlong taon humarap siya kay Ahab upang hamunin sa bundok Carmel ang mga propeta ni Baal at ni Ashera upang patunayan na ang kanilang sinasamba ay huwad. Sa bundok ay nagtayo ng dalawang altar para kay Baal at para kay YAHWEH. Tumawag at pumalahaw na ang mga propeta hanggang sa sugatan na nila ang kanilang sarili ngunit walang tugon ang diyos na si Baal. Ngunit sa pagtawag ni Elias kay YAHWEH ay tumugon si YAHWEH sa pamamagitan ng apoy na tumupok sa hain sa altar upang ipakilala ng Diyos ang Kanyang sarili na Siya ang tunay na Diyos na tinalikuran ng Israel.

Ngunit ang galit ng reyna na si Jezebel ay lubhang nagumapoy sa propeta at binantaan ang buhay niya kung paano ginawa niya sa mga propeta ni Baal. Natakot si Elias at tumakas mula sa galit ng reyna mula hilaga patungong timog na bahagi ng Israel, sa Judah ay kanyang tinakbo palayo sa reyna. Siya ay napanghinaan ng loob at hiningi na sa Diyos na kunin na ang kanyang buhay. Siya ay nagtago pa sa kweba sa matinding pagkabalisa at takot. Pagkatapos na ipinakita ng Diyos sa kanya mula sa panahon ng tag-tuyot hanggang sa tagumpay sa bundok ng Carmel ay napanghinaan pa rin ng loob si Elias. Ngunit ang Diyos ay nagpadala ng mensahe ng kaaliwan at siya ay inutusan bumalik sa Israel upang basbasan bilang hari si Jehu ng Israel. 

Sa kabila ng kabutihan at kapangyarihan na ipanakita ng Diyos sa ating buhay tulad ng kay Elias, dumarating din sa ating buhay at pagkabalisa at pagkatakot sa mga pag-uusig ng mundo. Dahil dito tayo ay tumitigil sa paglilingkod sa Diyos. Tandaan natin na ang Diyos ay tapat sa Kanyang mga tinawag at patuloy na pinalalakas at inaaliw ng Kanyang Salita tayo upang magpatuloy sa buhay Kristiyano na may pagtitiwala at paglilingkod sa Kanya. Huwag nating takasan ang paglilingkod dahil lamang sa pag-uusig o banta sa buhay ng mundong ito ngunit ito ay maging malaking hamon sa atin na lalong magtiwala sa Diyos na tapat sa atin. 

Basahin : 1 Hari 17:1 - 19:21

ANG TUMAKAS NA PRINSIPE

Si Moses ay inaring prinsipe ng Ehipto nang siya ay makita ng prinsesa na anak ng paraon. Pinaalagaan siya sa sariling ina at kinuha ng siya ng siya ay mag-aaral na sa Ehipto. Lumaki si Moses sa kultura ng mga taga-Ehipto at karunungan nito. Ngunit batid niya na siya ay hindi isang Ehipsyo kundi isang Hebreo.

Nang panahon na iyon, matinding pagpapahirap sa mga Hebreo bilang alipin ng mga Ehipsyo. Minsan ay nakita niya na minamaltrato at pinahihirapan ang isang Hebreo. Ipinagtanggol niya ito hanggang sa napatay niya ang isang Ehipsyo. Inakala niyang walang nakakita sa krimen na kanyang ginawa. 

Minsan naman ay nakita niya ang dalawang Hebreo na nag-aaway. Sinabihan niya ang dalawa na huwag mag-away sapagkat sila ay magkalahi. Ngunit nagulat siya sa tinuran ng mga Hebreo na gagawin daw ba sa kanila yung ginawa niya sa napatay niyang Ehipsyo. Sa takot niya na pag-nalaman ito ng mga taga-Ehipto, siya ay pahihirapan. Kaya siya ay tumakas mula sa Ehipto papuntang ilang.

Sa kanyang pamumuhay sa ilang ay doon siya nakapag-asawa (Zipora). Siya ay nagpapastol ng mga tupa. Minsan sa kanyang pagpapastol ay nangusap sa kanya ang Diyos sa pamamagitan ng punong na di natutupok. Tinawag siya ng Diyos upang palayain ang bayang Israel mula sa Ehipto dahil sa narinig ang pagsusumamo at panaghoy dahil sa malupit na pagkakaalipin sa kanila. Pinababalik siya ng Diyos sa bayang kanyang tinakasan upang palayain ang mga Hebreo at dalhin sa lupang pangako ng Diyos - ang Canaan.

Tumakas man si Moses mula sa bansang kanyang kinalakihan maging sa kanyang lahi ngunit hindi siya nakatakas sa pagkakatawag sa kanya ng Diyos. Tinawag siya upang bumalik at palayain ang bayan ng Diyos. 

Maaring ang ilan sa atin ay maraming tinatakasan sa buhay, mga takot, o pagkakasala ngunit hindi tayo makaktakas sa pagkakatawag sa atin ng Diyos para sa Kanyang plano ng kaligtasan. Ikaw ba ay tinawag ng Diyos? Kung alam natin na tayo ay tinawag, tayo ay tumugon sapagkat kailanman ay di tayo makakatas sa pagkakatawag ng Diyos sa atin.

Basahin : Exodus 2:1 - 3:22

ANG TUMAKAS NA BINASBASAN

Si Jacob ay ang bunsong anak na kambal nina Isaac at Rebeka. Paborito siya ng kanyang ina at si Esau naman na kanyang kakambal ay paborito ni Isaac. Magkaibang-magkaiba ang kambal. Si Esau ay  mabalahibo ang katawan samantalang si Jacob ay hindi. Si Esau ay isang mangangaso at si Jacob naman ay pastol. Ang ibig sabihin ng pangalang Jacob ay mandaraya.

Si Jacob ay binasbasan ng kanyang amang si Isaac sa pamamagitan ng pandaraya na dapat sana ay si Esau. Dalawang beses siyang nandaya. Kaya ang ibig sabihin ng kanyang pangalan ay mandaraya. Ang unang pandaraya ay pagkuha ng karapatan bilang panganay (birth right) sa kakambal niyang si Esau. Galing sa pangangaso, umuwi ng bahay si Esau na nagugutom at humiling sa kanyang kapatid na ipagluto siya nito. Ngunit humingi ng kondisyon si Jacob - ang karapatan bilang panganay. Dahil sa gutom ay pumayag naman ang kanyang kakambal kaya't ipinagluto niya ito.

Ang pangalawang pandaraya ay pagkuha ng basbas na dapat sana ay sa kanyang kakambal. Ipinatawag ni Isaac si Esau upang ipangaso at ipagluto ng kanyang huli. Habang wala si Esau, si Rebeka ang gumawa ng paraan upang maibigay kay Jacob ang basbas. Nilagyan niya si Jacob ng balahibo mula sa hayop upang maging katulad ni Esau at nagluto na ipinaluluto ng ama kay Esau. Dahil sa di na makakita si Isaac ay kinapa lamang niya ang anak na si Jacob na nagkukunwaring si Esau. Sa pag-aakalang si Esau si Jacob ay ibinigay nito ang basbas kay Jacob na nagkunwaring si Esau.

Dumating si Esau at pumunta sa ama upang hingiin ang basbas nito. Ngunit huli na. Naibigay na ang basbas sa kakambal na si Jacob na mandaraya. Nalinlang uli siya ng kanyang kapatid at sa nagalit ng matindi at pinagbantaan ang buhay ni Jacob. Nalaman ito ni Rebeka kaya pinatakas niya si Jacob papuntang Haran. 

Ang pandarayang ito ni Jacob ay nagbunga. Dinaya siya ni Laban na kanyang manugang sa pitong taong pagtatrabaho upang mapangasawa si Rachel ngunit si Leah ang ibinigay. Kaya pitong taon pang pagsisilbi para mapangasawa si Rachel. Dinaya rin siya ng kanyang mga anak na sinabi na patay na si Jose dala ang kasuotan nito na puno ng dugo at punit-punit at ipinagpalagay na nilapa ng mabangis na hayop. Ngunit ang katotohanan ay ibinenta ng mga kapatid si Jose dahil sa galit nila rito. Ang epekto nito ay umabot hanggang sa panahon ng tag-gutom na inabot pati ang Canaan. 

Sa kabila ng pagiging mandaraya ni Jacob ang pakikipagtipan ng Diyos kay Abraham ay natupad kay Jacob. Pinalitan ng pangalang Israel ang pangalang Jacob sapagkat ang labing dalawang tribo na anak niyang lalaki ang pinagmulan ng mga tribo ng Israel. Tumakas man siya bilang binasbasan dahil sa pandaraya niya sa kapatid, ngunit hindi siya nakatakas sa plano ng Diyos. 

Tayo man ay may tinatakasan sa buhay. Sila yung mga taong ating niloko, dinaya, at maging nasaktan. Ngunit tayo ay di makakatakas sa Diyos na ating nilapastangan. Ganun pa man, ang Diyos ay mabuti sa atin. Ang plano niya sa atin ay may basbas Niya at hindi tayo makakatakas sa plano ng Diyos sa atin.


Basahin ang Genesis 27:19-34; 27:1-29:35; 37:25-35

Monday, August 19, 2013

ANG TUNAY NA TUPA NI HESUS

"Naririnig ng Aking tupa ang Aking tinig, kilala nila Ako at sila ay sumusunod sa Akin"
Juan 10:27

Marami sa loob ng simbahan ay nagpapanggap na tupa. Sila ay mga nagpapanggap na Kristiyano. Ang ilan sa kanila pa nga ay mga naglilingkod at tumatawag sa Panginoon (Mateo 7:21-23). Hindi sila madaling makilala sapagkat nag-aanyo sila gaya ng isang tupa. Ngunit sa kalaunan ay makikilala din sila ayon sa kanilang mga bunga (Mateo 7:15-17) at anyo gaya ng trigo sa talahib (Mateo 13:30).

Ngunit kahit pa mahirap malaman kung sino ang tunay na tupa, ang bawat isa ay may responsibilidad na tiyakin kung ang sarili ay tunay na tupa o hindi (2Pedro 1:10; 2Corinto 13:5). Ang Panginoong Hesus ay nagbanggit ng marka ng Kanyang tupa sa kabuuan. Ang mga ito ay dapat nakikita sa bawat isang na tinuturing na ang sarili bilang tupa ni Hesus.

Una, ang Kanyang tinig ay naririnig ng Kanyang tupa. Ito ay nagpapakita na ang tunay na tupa ay alam ang tinig ng Panginoon, ang Kanyang salita, prinsipyo, kautusan, at katuruan. Kaya kapag tumatawag ang mundo, pumimipitk ang laman at kumakaway ang kaaaway ay alam ng tupa ng Diyos na ito ay hindi sa Diyos. Ito ay hindi tinig ng Panginoong Hesus kundi ng kasalanan.

Pangalawa ay ang relasyon kay Hesus. Ito ang ibig sabihin na kilala Siya ng Kanyang tupa na dahil may relasyon ay dapat kilalanin si Hesus ayon sa kapahayagan Niya ayon sa Bibliya. Ang pagkilala kay Hesus ay pagkilala di lamang Tagapagligtas kundi Panginoon. Ang dahilan kung bakit naririnig ng tupa ang kanilang pastol ay dahil kilala nila ito. Ganoon din ang mananampalataya ay nananampalataya ay dahil kilala nila ang kanilang pinanampalatayanan.

Ang pangatlong marka ay ang pagsunod. Aag nagpapakita na tunay na naririnig ng tupa at may relasyon sa kanilang pastol ay ang pagsunod. Kaya napakahalaga ng tinig at pagpapakilala ng Diyos sa Bibliya sapagkat ito ang magiging basihan ng pagsunod. Nakalulungkot maraming nagsasabi mula sa loob at maging labas ng iglesya na gumagawa ng mabuti at tinuturing ang mga ito na pagsunod sa Diyos ngunit wala man lang tinatanggihan ang Salita ng Diyos tulad walang personal na pag-aaral ng Bibliya o pagdalo ng mga bible study at ang ilan ay tinatanggihan ang mabuting balita ng kaligtasan.

Ang tunay na nakakakilala kay Hesus ay tumatalima sa kalooban ng Diyos sa pakikinig at pagsasagawa nito. Ating suriin ang ating sarili kung taglay natin ang mga markang ito upang ating malaman na tayo ay Kanyang tupa.       

Sunday, August 18, 2013

ANG PINAKAMAHIRAP NA TEST

Suriin ang sarili kung nasa pananampalataya; Siyasatin ang sarili! Hindi mo ba nalalaman sa iyong sarili , na si Hesus ay nasasaiyo - maliban na ikaw ay hindi pumasa sa test
2Corinto 13:5

Sa pagkuha ng pagsusulit sa eskwelahan, pagkuha ng lisensya ng mga nars, guro, at inhenyero upang mga lisensyado, ang mga kumukuha ng pagsusulit ay ginagawa ang lahat upang makapasa. Sila nagrereview ng mabuti at ang ilan ay pumumunta sa mga reveiw center para lamang maipasa ang pagsusulit. 

Isa sa mga nararamdam ng mga kumukuha ng pagsusulit ay ang kaba na baka hindi makapasa. Ang kabang ito ay nararanasan di lamang bago kumuha ng test kundi maging habang kumukuha ng test. Ngunit ang matinding kaba na mararanasan ay pagkatapos ng pagsusuri kung makakapasa o hindi. 

Sa mga tao na tinuturing ang sarili na Kristiyano ay may pagsusulit din upang malaman kung totoo ang kanilang pagiging Kristiyano o hindi. At ito ang pinakanakakakaba sa lahat ng pagsusuri, ang pagsusuri kung nasa pananampalataya o hindi sapagkat nakataya ang kaluluwa. Mainam na suriin ang sariling buhay kung nasa pananampalataya upang magkaroon ng kagalakan ng kaligtasan na mula sa Panginoon. Sa pagsusuri dapat ay maging totoo sa sarili. Gawing pamantayan ang Bibliya at hindi ang pamantayan ng mundo o ang buhay ng isang tao. 

Sinasabi ng Bibliya na ang tunay na Kristiyano nasa buhay niya si Kristo. Samakatuwid ang tao ay nabubuhay na may Kristo - isang pamumuhay na matuwid na nalulugod sa kabanalan at namumuhi sa kasalanan at isinasagawa ang kalooban ng Diyos. Ito ang tanging palatandaan na si Hesus ay nasa kanyang buhay. Kung sa pagsusuri ng sariling buhay ay hindi ito nakikita ang taong iyon ay nagkukunwari lamang na Kristiyano at dapat niyang talikdan ang kasalanan at manampalataya ng totoo sa Diyos. Ito ay nakalulungkot na balita. Marami sa loob ng simbahan ang nakakaranas ng ganitong dilema.

Ating suriin ang ating sariling buhay kung tayo ay nasa pananampalataya. Ugaliing gawin ito lagi upang ang kagalakan dulot ng kaligtasan ay maranasan araw-araw. Ikaw, sinusuri mo ba ang iyong buhay?







Friday, August 16, 2013

ANG BUHAY KRISTIYANO AY MAY DIREKSYON

Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag 
ng Dios na kay Cristo Jesus.  
Filipos 3:14  

Noong 1968 ay ginanap ang Olymphic Games sa Mexico. Si John Stephen Akhwari ng Tanzania ay kalahok sa marathon. Sa kanyang pagtakbo ay nakaranas siya ng pulikat na naging sanhi ng pagbagsak ng nagkaroon ng banggaan sa mga kasali. Ngunit sa kabila ng nangyari sa kanya ay tinapos niya ang karera. Ang mga natirang manonood ay naghumiyaw pa sa kanya. Siya ay ininterview at tinanong kung bakit pinilit niyang tapusin ang karera. Ito ang kanyang kasagutan:
    
        "My country did not send me 5,000 miles to start the race; they sent me 
          5000 miles to finish the game"

Ang buhay Kristiyano ay may direksyon at dapat itong tapusin. Nakalulungkot sapagkat maraming nakaupo sa loob ng simbahan tuwing linggo ay hindi alam ang direksyon sa buhay Kristiyano. At dahil dito wala silang matatapos kung magpapatuloy sa ganitong kondisyon. Pinapaalala ni Pablo na gaya ng isang karera, ang bawat Kristiyano ay may direksyon na patutunguhan.Ang ilan naman ay nawawala sa direksyon ng buhay Kristiyano.

Upang manatili sa direksyon ng Kristiyanismo, ang pagpupursige sa buhay bilang mananampalataya ay mahalaga. Maraming ginagawa ang kalaban upang maalis ang isang mananampalataya sa direksyon ngunit sa biyaya ng Diyos ang mga ito ay naibabalik sa direksyon na dapat tahakin. 

Malaking bagay din ang may layunin sa pagtahak sa direksyon. Ang layunin ng mananampalataya ay dapat maging katulad ni Hesus Kristo (Roma 8:29; 1Juan 3:2). Ang pagpupursige na maging katulad ni Kristo ang makakatulong upang manatili sa direksyon ng buhay Kristiyano

Ang gantimpala ng pagkakatawag ng Diyos ay magsisilbi ring instrumento upang mapanatili sa direksyon sa buhay Kristiyano. Ang kagalakan sa gantimpalang ipagkakaloob ni Kristo ay higit sa kaligayahan na naibigay ng mga bagay sa mundong ito. 

Ang buhay mo ba bilang Kristiyano ay nasa tamang direksyon na may pagpupursige na nakatuon sa layuning maging katulad ni Hesus sa katuwiran at kabanalan sa pamumuhay bilang mananampalataya Niya? Ating tandaan may nakahandang gantimpala para sa mga taong patuloy sa direksyon ng buhay Kristiyano.

(Ito ay base sa sermon ni Dr. Virgilio Benosa Jr. - Chapel Time sa MBST - July 

Thursday, August 15, 2013

PAGBABALIK-TANAW SA BUHAY KRISTIYANO

Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya:
2 Timoteo 4:7


Ang pag-alala na isang tao sa nakaraan niyang buhay ay dumarating. Sa kanyang pagbabalik-tanaw ay sari-saring reaksyon ang maaring maisalarawan ng mukha. Sa gitna ng pagmumuni-muni ay bigla na lamang malulungkot o maiiyak,  minsan sisimangot o magagalit, o kaya naman ay natutuwa at napapangiti, lalo  na kapag naaalala ang mga masasayang nangyaring karanasan sa buhay. Ngunit sa lahat ng reaksyon, ang panghihinayang  ay ang nakakapanlumo.

Sa Kristiyanismo, may pinapagawa ang Diyos na dapat gawin upang hindi manghinayang sa kanyang pagbabalik-tanaw sa kanyang buhay bilang Kristiyano. Gaya ng isang sundalo, dapat maalala niya na siya ay nakipaglaban sa mundo laban sa pag-uusig ng mundo at temptasyon mula sa labas ng sarili o maging sa loob ng sarili. Ang pagganap ng tungkulin bilang Kristiyano ay makapagbibigay ng ngiti sa pagbabalik-tanaw sa nakaraan bilang isang Kristiyano. Ang di pagbitaw sa pinanampalatayan sa kabila ng pag-uusig at temptasyon ng mundo ay malaking kasiyahan ang madarama sa pagbabalik-tanaw sapagkat ito ang tagumpay na ninanais ng bawat mananampalataya ni Kristo Hesus.

Nagampanan mo ba ang mga bagay na ipinapagawa ng Diyos sa iyong buhay Kristiyano? Kung ganun, sa pagbabalik-tanaw mo sa buhay bilang isang Kristiyano, ito ay makapagbibigay ng ngiti sa iyong mga labi at hindi panghihinayang. Kung hindi mo pa ginagawa ang responsibilidad na inaatang bilang isang Kristiyano, panahon na upang tumugon sa kalooban ng Diyos upang may lilingunin ng may ngiti.